Noli Me Tangere
Play Sample
VII.
MAIROG NA SALITAAN SA ISANG "AZOTEA"
Maagang nang̃agsimbá ng̃ umagang iyón si tía Isabel at si María Clara: mainam na totoo ang pananamít nitó at may tang̃ang isáng cuintás na azúl ang mg̃a butil, na inaarì niyáng parang brazalete,[147] at may salamín sa matá si tía Isabel, upang mabasa ang daláng "Ancora de Salvación"[148], samantalang nagmimisa.
Bahagyâ pa lamang nacaaalís sa altar ang sacerdote, nagsabi ang dalagang ibig na niyáng omowî, bagay na totoong ipinangguilalás at isinamâ ng̃ loob ng̃ mabaít na tíang waláng boong acalà cung dî ang canyáng pamangking babae'y mápagbanal at madasaling tulad sa isáng monja man lamang.Nagbubulóng, at pagcatapos na macapagcucrûz ay nagtindíg ang mabaít na matandáng babae.—¡Bah!patatawarin na acó ng̃ mabaít na Dios na dapat macakilala ng̃ púso ng̃ mg̃a dalaga cay sa inyó pô tía Isabel—Ang sasabihin sana ni María Clara sa canyá upang putlín ang canyáng matitindí, ng̃uni't sa cawacasa'y mg̃a pagsesermóng-ná.
Ng̃ayó'y nacapag-agahan na tila at nilílibang ni María Clara ang canyáng pagcainíp sa paggawâ ng̃ isáng sutláng "bolsillo", samantalang ibig pawìin ng̃ tía ang mg̃a bacás ng̃ nagdaang fiesta sa pagpapasimulâ ng̃ paggamit ng̃ isáng plumero.Sinisiyasat at inuusisa ni Capitang Tiago ang mg̃a iláng casulatan.
Bawa't lagunlóng sa daan, bawa't cocheng dumaraan ay nang̃agpápacaba sa dibdib ng̃ vírgen at siya'y pinang̃ing̃ilabot. ¡Ah, ng̃ayó'y ibig niyáng maparoon ulî sa beaterio, sa casamahán ng̃ canyáng mg̃a caibigang babae! ¡Doo'y matitingnan niyá "siyáng" hindî mang̃íng̃inig, hindî magugulumihanan! Datapowa't ¿hindî bagá, siyá ang iyóng caibigan ng̃ panahóng musmus ca pa? ¿hindî bâ cayó'y nang̃aglálaro ng̃ laróng halíng at hanggáng sa cayó'y nag-aaway na manacànacâ? Ang dahil ng̃ mg̃a bagay na itó'y hindî co sasabihin; cung icáw na bumabasa'y umibig ay mapagkikilala mo, at cung hindî namán ay sayang na sa iyó'y aking sabihin; hindî mapag-uunawa ang mg̃a talinghagang itó ng̃ hindî na casisinta cailán man.
—"Sa acalà co María'y may catowiran ang médico—ani Capitang Tiago.Dapat cang pasalalawigan, namumutlâ ca ng̃ mainam at nagcacailang̃an ca ng̃ mg̃a mabubuting hang̃in.Anó bang acalà mo: ¿sa Malabón ...ó sa San Diego?
Namulá si Maríang tulad sa "amapola"[149] pagcárinig niyá nitóng hulíng pang̃alan, at hindî nacasagót.
—"Ng̃ayó'y páparoon cayó ni Isabel at icáw sa beaterio, at ng̃ cunin ninyó roon ang iyóng mg̃a damít, at macapagpaalam ca sa iyóng mg̃a caibigan; hindî ca na papasoc ulî roon.
Dinamdam ni María Clara iyáng hindî malírip na calungcutang bumabalot sa cálolowa, pagcâ iniiwan ang isáng kinatirahang pinatamuhán natin ng̃ caligayahán; ng̃uni't nagpagaang ng̃ canyáng pighatî ang pagcaalaala ng̃ isáng bagay.
—At sa loob ng̃ apat ó limáng araw, pagcâ may damít ca nang bágo'y paparoon tayo sa Malabón....Walâ na sa San Diego ang iyóng ináama; ang curang nakita mo rito cagabí, iyóng paring bátà ay siyáng bagong cura natin doón ng̃ayón; siyá'y isáng santo.
—¡Lalong nacagágaling sa canyáng catawán ang San Diego, pinsan!—ang ipinaalaala ni tía Isabel;—bucód sa roo'y lalong mabuti ang bahay natin doón, at sacâ malapit na ang fiesta.
Ibig sanang yacapin ni María Clara ang canyáng tía; ng̃uni't narinig niyáng tumiguil ang isáng coche ay siyá'y namutlâ.
—¡Ah, siyá ng̃â!—ang isinagót ni Capitang Tiago, at nagbago ng̃ pananalitâ at idinagdág:—¡Don Crisóstomo!
Nalaglág sa mg̃a camáy ni María Clara ang tang̃ang canyáng guinágawà; nag-acalà siyáng cumilos ay hindî nangyari: isáng pang̃ing̃ilabot ang siyáng tumátacbo sa canyáng catawán.Nárinig ang yabág ng̃ paa sa hagdanan at pagcatapos ay ang sariwà at voces lalaki.Tulad sa cung ang voces, na itó'y may capangyarihang hiwágà, iniwacsí ng̃ dalaga ang laguím at nagtatacbó at nagtágò sa panalang̃inang kinálalagyan ng̃ mg̃a santo.Nagtawanan ang dalawáng magpinsan, at nárinig ni Ibarra ang ing̃ay ng̃ sinásarhang pintuan.
Namúmutlà, humíhing̃a ng̃ madalás, tinutóp ng̃ dalaga ang cumácabang dibdíb at nag-acalang makiníg. Náriníg ang voces, yaóng voces na pinacasísinta't sa panag-ínip lamang niyá náririnig: ipinagtátanong siyá ni Ibarra. Sa pagcahibáng sa towâ ay hinagcán niyá ang santóng sa canyá'y nálalapit, si San Antonio Abad; santong mapalad ng̃ nabubuhay at ng̃ayóng siyá'y cahoy; láguì ng̃ may magagandáng mg̃a tucsó!Pagcatapos ay humanap ng̃ isáng bútas ng̃ susîan, upang makita niya si Ibarra; mapagsiyasat ang canyáng anyô; ng̃umíng̃itî si María Clara at ng̃ cunin siyá ng̃ canyáng tía sa gayóng panonood, sumabit sa líig ng̃ matandáng babae at sinisì itó ng̃ halíc na paulit-ulit.
—Ng̃uni't halíng, ¿anó ang nangyayari sa iyó?—ang sa cawacasa'y nasabi ng̃ matandáng babae, na pinapahid ang isáng lúhà sa mg̃a matá niyáng lantá na.
Nahiyâ si María Clara at tinacpán ang mg̃a matá, ng̃ canyáng mabibilog na mg̃a brazo.
—¡Halá, maghusay ca, halica!—ang sabi ng̃ matandáng babae ng̃ boong pag-irog.—Samantalang nakikipag-usap siyá sa iyóng amá ng̃ iyóng ...¡halica at huwag cang magpahintay!
Napadalá ang dalagang tulad sa isáng musmós, at doon silá nagculóng sa canyáng "aposento."
Masayá ang salitaan ni Capitang Tiago at ni Ibarra ng̃ sumipót si tía Isabel na halos kinacaladcad ang canyáng pamangkíng babae, na nagpapaling̃àling̃à cung saansaan, datapuwa't hindî tumíting̃in sa canino mang táo....
¿Anóng pinag-usapan ng̃ dalawáng cálolowang iyón, anó ang canicaniláng sinabi diyán sa salitaan ng̃ mg̃a matá, na lalong lubós ang galíng cay sa salitaan ng̃ bibíg, salitaang ipinagcaloob sa cálolowa at ng̃ huwag macaguló ang ing̃ay sa pagtatamóng timyás ng̃ damdamin?Sa mg̃a sandalíng yaón, pagca nagcacawatasán ang dalawáng linikháng sumasaligaya sa kilos ng̃ mg̃a balintataóng natatabing̃an ng̃ mg̃a pilíc-matáng pinaglalampasanan ng̃ pag-iísip, ang pananalita'y mabagal, magaspáng, mahinà, wang̃is sa ugong ng̃ culóg na nang̃ang̃alagcag at waláng tuos cung isusumag sa nacasisilaw na liwanag at mabilís ng̃ kidlát: nagsasaysay ng̃ isáng damdaming kilala na, isáng isipang napag-uunawà, na, at cayâ lamang guinagamit itó'y sa pagcá't ang mithî ng̃ púsò'y siyáng nacapangyayari sa boong cataohang saganang saganà sa galác, íbig na ang boong catawán niyáng casama ang lahát ng̃ sancáp na lamán, butó at dugô at ang boong caisipán ay magsaysáy ng̃ hiwagang mg̃a catowâang inaawit ng̃ espíritu.Sa tanóng ng̃ pagsintá sa isáng sulyáp na numíningning ó lumálamlam, waláng mg̃a sagót ang salitâ: tumútugon ang ng̃itî, ang halíc ó ang buntóng hining̃á.
At pagcatapos, sa pagtacas ng̃ dalawáng nagsisintahan sa "plumero" ng̃ tía Isabel na nagpapabang̃on sa alicabóc, silá'y pumaroon sa azotea upang silá'y macapag-usap ng̃ boong calayâan sa silong ng̃ mg̃a bálag; ¿anó ang caniláng pinag-usapan ng̃ marahan at nang̃íng̃inig cayó, mg̃a maliliit na bulaclác ng̃ "cabello-de-ángel"? Cayó ang magsabi't may bang̃ó cayó sa inyóng hining̃á at may mg̃a cúlay cayò sa inyóng mg̃a labì; icáw, "cefiro"[150] ang magsabi yamang nag-aral ca ng̃ di caraniwang mg̃a tínig sa líhim ng̃ gabíng madilim at sa talinghagà ng̃ aming mg̃a cagubatang virgen; sabihin ninyó, mg̃a sinag ng̃ áraw, maningníng na tagapagpakilala sa lúpà ng̃ Walang Hanggán, tang̃ing hindî nahahawacan sa daîgdig ng̃ mg̃a natátangnan: cayó ang mang̃agsabi, sa pagca't walâ acóng nalalamang isaysáy cung dî mg̃a cahaling̃áng hindî mainam dingguín.
Ng̃uni't yamang áayaw ninyóng sabihin, aking títingnan cung aking maisásaysay.
Ang lang̃it ay azul: nagpápagalaw ng̃ mg̃a dáhon at ng̃ mg̃a bulaclac ng̃ halamang gumagapang ang isáng malamig na amihang hindî amóy rosa,—dahil dito'y nang̃agsisipang̃inig ang mg̃a cabello—de—ángel—ang mg̃a halamang nacabitin, ang mg̃a tuyúng isdâ at ang mg̃a lámparang galing sa China.Ang ing̃ay ng̃ sagwáng humahalò ng̃ malabong tubig ng̃ ílog, ang dagundong ng̃ pagdaan ng̃ mg̃a coche at mg̃a carretón sa tuláy ng̃ Binundóc ay maliwanag na dumárating hanggang sa canilá; ng̃uni't hindî ang mg̃a ipinagbúbubulong ng̃ tía.
—Lalong magalíng—ang wicà nitó—diyá'y ang boong bayan ang siyáng bábantay sa inyó.
Nang magpasimulá'y walâ siláng pinagsalitaanan cung di pawang mg̃a cahaling̃an—iyáng mg̃a cahaling̃áng totoong nacacawang̃is niyáng mg̃a cayabang̃an ng̃ mg̃a nación sa Europa: masasarap at lásang pulót sa mg̃a magcacanación, datapuwa't nacapagtátawa ó nacapagpapacunót sa kilay ng̃ mg̃a taga ibang lupaín.
Ang babae, palibhasa'y capatíd ni Cain ay panibughuin, caya't dahil dito'y tumanong sa nang̃ing̃ibig sa canyá:
—¿Laguì bang isinaisip mo acó?¿hindi mo ba acó linimot sa gayóng caraming mg̃a paglalacbá'y mo?¡Pagcaramiraming malalakíng mg̃a ciudad na may pagcaramiraming magagandang mg̃a babae!...
Ang lalaki namán, palibhasa'y isá pa ring capatíd ni Caín ay marunong umiwas sa mg̃a tanóng at may caunting pagca sinung̃aling, cayâ ng̃a:
—¿Mangyayari bagáng catá'y limutin? —ang sagót na nang̃ang̃aanino ng̃ boong ligaya sa mg̃a maiitím na balíngtatao ng̃ dalaga;—¿mangyayari bagáng magculang acó sa panunumpâ, sa isáng panunumpang dakila? Natátandaan mo ba ang gabíng yaon, ang gabíng yaóng sumísigwa, na icáw, ng̃ makita mo acóng nag-íisang tumatang̃is sa siping ng̃ bangcáy ng̃ aking iná'y lumapit ca sa akin, ilinagáy mo ang iyong camáy sa aking balícat, ang camáy mong malaon nang ayaw mong ipahintulot na aking mátangnan, at iyong sinabi sa akin: "Nang̃ulila ca sa iyong iná, acó'y hindî nagcainá cailán man.": at dumamay ca sa akin ng̃ pag-iyác.Iniirog mo ang aking iná at icáw ay pinacaibig niyáng tulad sa isáng anác.Sa dacong labás ay umúulan at cumíkidlat; ng̃uni't sa acalà co'y nacárinig acó ng̃ música, at nakita cong ng̃umíng̃itî ang maputláng mukhâ ng̃ bangcáy ...¡oh, cung buháy sana ang aking mg̃a magulang at mapanood nila icáw!Nang magcagayó'y tinangnán co ang iyóng camáy at ang camáy ng̃ aking iná, nanumpâ acóng sísintahin catá, catá'y paliligayahin, anó man ang capalarang sa aki'y ipagcaloob ng̃ Lang̃it, at sa pagca't hindî nacapagbigáy pighati cailán man sa akin ang sumpáng itó; ng̃ayó'y mulíng inuulit co sa iyó.¿Mangyayari bagáng limutin co icáw?Laguing casamasama co ang pag-aalaala co sa iyo; iniligtás acó sa mg̃a pang̃anib ng̃ paglalacad maguíng caaliwan co sa pag-iisá ng̃ aking cálolowa sa mg̃a ibáng lupain; ¡ang pag-aalaala sa iyo ang pumawì ng̃ bísà ng̃ "loto" ng̃ Europa na cumacatcat ng̃ mg̃a pag-asa at ng̃ casaliwaang palad ng̃ kinaguisnang lúpà sa caisipán ng̃ maraming mg̃a cababayan!Sa mg̃a panaguimpan co'y nakikita co icáw na nacatindig sa tabíng dagat ng̃ Maynilà, nacatanaw sa malayong abót ng̃ paning̃íng nababalot sa malamlam na liwanag ng̃ maagang pagbubucang liwayway; aking náririnig ang isáng aaying-aying at malungcot na awit na sa aki'y pumupucaw ng̃ nagugulaylay ng̃ mg̃a damdamin, at tinatawag co sa alaala ng̃ aking púsò ang mg̃a unang taón ng̃ aking camusmusán, ang ating mg̃a catuwâan, ang ating mg̃a paglalarô, ang boong nacaraang maligayang panahóng binigyán mong casayahan, samantalang doroon ca sa bayan.Sa aking sapantaha'y icáw ang "hada"[151], ang espíritu, ang caayaayang kinácatawan ng̃ aking Bayang kináguisnan, magandá, mahinhín, masintahin, lubós calinisan, anác ng̃ Filipinas, niyáng cagandagandahang lupang bucód sa mg̃a dakilang cagaling̃an ng̃ Inang Españang[152] tagláy rin niyá'y may maririkít pang mg̃a hiyas ng̃ isáng bayang bátà, tulad sa pagcacapisan sa iyong cataohan ng̃ lahát ng̃ cagandahan at carikitang nacapagpapaningning sa dalawang láhì; cayâ ng̃a't nabubuò lamang sa isá ang pagsinta co sa iyo't ang pagsinta co sa aking tinubuang lúpà ... ¿Maaari ba catáng limutin? Macáilang ang boong ísip co'y aking náririnig ang mg̃a tunóg ng̃ iyóng piano at ang mg̃a tínig ng̃ iyong voces, at cailán mang tinatawag co ang iyóng pang̃alan ng̃ acó'y na sa Alemania, sa dacong hápon, pagca naglalacad acó sa mg̃a caparang̃ang napúpuspos ng̃ mg̃a talinghagang likhâ ng̃ mg̃a poeta roon at ang mg̃a cahimahimalang salitsaling sabi ng̃ mg̃a táong nang̃áunang nabuhay, nakikinikinita co icáw sa úlap na sumisilang at napaiimbulóg sa dúyo ng̃ capatagan, wárì náriring̃ig co ang iyong voces sa pagaspás ng̃ mg̃a dahon, at pagcâ umuuwî na ang mg̃a tagabukid na galing sa caniláng sinasacang lúpà at caniláng ipinaríring̃ig buhat sa maláyò ang caniláng caraniwang mg̃a awit, sa aking acala'y pawang nakikisaliw silá sa mg̃a voces ng̃ caibuturan ng̃ aking dibdib, na nag-aalay na lahat sa iyo ng̃ awit at siyáng nagbíbigay catotohanan sa aking mg̃a nais at mg̃a panaguimpán.Cung minsa'y náliligaw acó sa mg̃a landás ng̃ mg̃a cabunducan, at ang gabíng doo'y untîuntì ang pagdatíng ay naráratnan acóng naglácad pa't hinahanap co ang aking daan sa guitnâ ng̃ mg̃a "pino," ng̃ mg̃a "haya"[153] at ang mg̃a "encina"[154]; cung nagcácagayón, cung nacalúlusot ang iláng mg̃a sínag ng̃ buwán sa mg̃a puáng ng̃ masinsíng mg̃a sang̃á, wari'y nakikinikinita co icáw sa sinapupunan ng̃ gubat, tulad sa isáng nagpapagalagalang aninong gágalawgaláw at nagpapacabicabilâ sa liwanag at sa mg̃a carilimán ng̃ malagóng caparang̃an, at sacâ ipinarírinig ng̃ "ruiseñor"[155] ang canyáng ibá't ibáng cawiliwiling huni, inaacálà cong dahil sa icáw ay nakikita't icáw ang siyáng sa canyá'y nacaaakit. ¡Cung inalaala co icáw! ¡Hindî lamang pinasásaya sa aking mg̃a matá ng̃ lagabláb ng̃ sa iyó'y pagsinta ang úlap at pinapamúmula ang hielo[156]!Sa Italia, ang magandáng lang̃it ng̃ Italia, sa canyáng cadalisaya't cataasa'y nagsasálitâ sa akin ng̃ iyong mg̃a matá; ang canyáng masayáng pánoorin ay nagsasaysay sa akin ng̃ iyong ng̃itî, wang̃is ng̃ mg̃a halamanan sa Andalucíang nalalaganapan ng̃ hang̃ing may kipkíp na bang̃ó, puspós ng̃ mg̃a pangdilidiling casilang̃anan, saganà sa hiwagà at sa calugodlugód na mg̃a tanghalin, pawang nang̃agsasalita sa akin ng̃ sa iyó'y pagsintá!Sa mg̃a gabíng may bowán, yaóng bowang wari'y nagtútucà, sa aking sinagwánsagwáng nacalulan acó sa isáng sasakyáng malíit sa ilog Rhin, itinátanong co sa aking sarili cung dî cayâ marayà acó ng̃ aking guníguní upang makita co icáw sa, guitnâ ng̃ mg̃a álamong[157] na sa pampang, sa bató ng̃ Lorelay ó sa guitnâ ng̃ mg̃a alon at icáw ay umaawit sa catahimican ng̃ gabí, tulad sa dalagang hadang mápang-aliw, upang bigyáng casayahan ang pag-iisá at ang calungcutan ng̃ mg̃a guibáng castillong iyón.
—Hindî acó naglacbáy-bayang gaya mo, walâ acóng nakikita cung dî ang iyóng bayan, ang Maynila't Antipolo—ang sagót ni María Clarang ng̃umíng̃itî, palibhasa'y naniniwalà sa lahát ng̃ sinasabi ni Ibarra,—ng̃uni't mulâ ng̃ sabihin co sa iyóng ¡paalam!at pumasoc acó sa beaterio, láguì nang naaalaala catá at hindî co icáw nilimot, bagá man ipinag-utos sa akin ng̃ confesor at pinarusahan acó ng̃ maraming mg̃a pahírap.Nagúgunitâ, co ang ating mg̃a paglalarô, ang ating mg̃a pag-aaway ng̃ tayo'y mg̃a musmós pa.Hinihirang mo ang lalong magagandáng sigay at ng̃ tayo'y macapaglarô ng̃ siclót, humahanap ca sa ílog ng̃ lalong mabibilog at makikinis na batóng maliliit na may iba't ibang cúlay at ng̃ macapaglarô tayo ng̃ sintác; icáw ay nápacawaláng tuto, láguì cang natatalo, at ang parusa'y binábantilan catá ng̃ pálad ng̃ aking camáy, ng̃uni't dî co inilálacas, sa pagca't naaawà acó sa iyo.Napacamagdarayà, icáw sa laróng chongca't dináraig mo pa ang pagcamagdarayà co, at caraniwang agawán ang naguiguing catapusán.¿Natátandaan mo bâ ng̃ icáw ay magalit ng̃ totohanan?Niyó'y pinapagpighatî mo acó; ng̃uni't ng̃ matapos, pagcâ naaalaala co iyón sa beaterio, acó'y ng̃umíng̃tì dinaramdam cong icáw ay walâ, at ng̃ macapag-away ulî catá ...at ng̃ pagdaca'y mágawà natin ang pagcacásundô.Niyó'y mg̃a musmós pa tayo, naparoon tayong naligong casama ang iyóng iná sa batis na iyóng nalililiman ng̃ mg̃a cawayanan.Sa mg̃a pampáng ay may mg̃a sumisibol na mg̃a bulaclác at mg̃a halamang sinasabi mo sa akin sa wicang latín at wicang castilà ang canícanilang mg̃a cacaibáng pang̃alan, sa pagca't niyó'y nag-aaral ca na sa Ateneo.Hindî catá pinápansin; naglílibang acó sa panghahagad ng̃ mg̃a paroparó at ng̃ mg̃a tutubí, na sa canyáng catawáng maliit na tulad sa alfiler ay tagláy ang lahát ng̃ mg̃a culay ng̃ bahagharì at ang lahát ng̃ mg̃a kintáb ng̃ gáring, mg̃a tutubíng gumágalaw at nang̃agháhagaran sa magcabicabilang mg̃a bulaclác; cung minsa'y ibig cong masubucan at hulihin ng̃ camáy ang maliliit na isdáng matuling nang̃agtatacbuhan sa mg̃a lumot at sa mg̃a batuhán sa pampáng.Caguinsaguinsa'y nawalâ ca, at ng̃ icáw ay bumalíc, may dalá cang coronang mg̃a dahon at mg̃a bulaclác ng̃ dalandáng ipinutong mo sa aking úlo, at tinatawag mo acóng "Cloe"[158], at gumawâ ca namán ng̃ coronang damóng gumagapang. Ng̃uni't kinuha ng̃ iyóng nanay ang aking corona, pinucpóc ng̃ isáng bató at sacâ inihalò sa gugò na ipinaglilinis ng̃ ating úlo; tumulò ang mg̃a luhà sa iyóng mg̃a matá, at sinabi mong hindî nacaaalam ang iyóng iná ng̃ "mitología"[159]—¡"Halíng!—ang isinagót ng̃ nanay mo—makikita mo't mababang̃ó pagcatapos ang inyóng mg̃a buhóc."—Nagtawá acó, naghinanakít icáw, at ayaw mo na acóng causapin, at sa boong maghapo'y nagpakita ca ng̃ poot, na siyang ikìnaibig co namang umiyác.
Ng̃ bumalíc tayo sa bayan, at sa pagca't mainit na totoo ang araw, nuha acó ng̃ mg̃a dahon ng̃ sambóng nasumísibol sa mg̃a tabíng daan, ibinigáy co sa iyó't ng̃ ilagáy mo sa loob ng̃ iyóng sombrero, at ng̃ di sumakít ang iyóng ulo.Ng̃umitî icáw ng̃ magcágayo'y tinangnán co ang camáy mo at nagcásundô na catá.
Ng̃umitî ng̃ boong ligaya si Ibarra, binucsán ang canyang cartera, kinuha sa loob niyón ang isáng papel at sa loob nito'y may nababalot na mg̃a dahong nang̃ing̃itim, tuyô at mababang̃ó.
—¡Ang iyóng mg̃a dahon ng̃ sambóng!—ang isinagót ni Ibarra sa titig ni María Clara,—itó lamang ang naibigáy mo sa akin.
Dalidalí namáng kinuha ni María Clara sa canyáng dibdíb ang isáng bolsitang rasong maputî.
—¡Ps!—ani María Clara at tinampál ang camáy ni Ibarra;—hindî ipinahihintulot ang paghípò: ito'y isáng sulat ng̃ pagpapaalam.
—¿Iyán bâ ang isinulat co sa iyo bago acó pumanaw?
—¿At sumulat pó bâ cayó sa akin ng̃ ibá pa, aking guinoo?
—¿At anó bâ ang sinasabi co sa iyo ng̃ panahóng iyón?
—¡Maraming cabulastugan!¡mg̃a dahilan ng̃ masamáng máng̃ung̃utang—ang isinagót ni María Clarang ng̃umíng̃itì, na ipinakikilalang totoong ikinasásaya ng̃ canyáng loob ang gayóng mg̃a cabulaanan.—¡Howág cang malicot!¡babasahin co sa iyo ang sulat na ito!¡ng̃uni't ilíling̃id co ang iyóng mg̃a pagpuri at ng̃ dî ca magdalità!
At itinaás ang papel sa tapát ng̃ canyang mg̃a matá at ng̃ huwag makita ng̃ binatà ang canyáng mukhâ, at nagpasimulâ:
—"Aking ..." ¡hindî co babasahin sa iyo ang sumúsunod, sa pagca't isáng cabulastugán! —at pinaraanan ng̃ mg̃a matá ang iláng talatà. —"Ibig ng̃ aking amá, ang acó'y yumao, bagá man ipinamamanhic cong huwag"—"Icáw ay lalaki—ang sabi sa akin, dapat mong isipin ang panahóng dárating at ang iyong mg̃a lacás. Dapat mong pag-aralan ang dunong sa pamumuhay, ang dî maibibígay sa iyo ng̃ iyong kinamulatang lúpà, at ng̃ balang araw ay makapaglingcod ca sa canyá. Cung mananatili ca sa aking tabí, sa aking lilim, sa impapawíd na ito ng̃ mg̃a hínalâan, hindî ca matututong tumanáw sa malayò, at sa araw na cata'y maiwan sa ibabaw ng̃ lupa'y maitutulad ca sa halamang sinasalitâ ng̃ ating poetang si Baltazar;
—¡Nakita mo na!binatà ca na halos ay tumatang̃is ca pa!—"Nacapagpasakit sa aking loob ang ganitóng pag-wiwicà, caya't ipinahayag co sa canyáng icáw ay aking sinísinta.Hindî umimíc ang aking amá, nagliníng-lining, ilinagáy sa aking balicat, ang canyáng camáy at nagsalitâ sa aking nang̃íng̃inig ang voces:—Ang ísip mo ba'y icáw lamang ang marunong umibig at hindî ca iniibig ng̃ iyóng amá at hindî dináramdam ang sa iyó'y paghiwaláy?"Hindî pa nalalaong nang̃ulila tayo sa iyóng iná; tumutung̃o acó sa catandàan, diyán sa gulang na ang hinahanap ay ang tulong at pagbibigay alíw ng̃ cabatâan, at gayón ma'y tinatanggap co ang pag-iisá at dî co talós cung catá'y makikita pa ulì.Ng̃uni't dapat cong isipin ang mg̃a ibáng bágay na lalong malalakí....Bumúbucas sa iyo ang panahóng sasapit, samantalang sumásara sa akin; sumisilang sa iyo ang mg̃a pagsinta, ang mg̃a pag-ibig co'y nang̃amámatay; cumúculô ang apóy sa iyóng mg̃a ugát sa aki'y nagsisimulá, ang calamigán, at gayón ma'y icáw ay umíiyac at hindî ca marunong maghandóg ng̃ ng̃ayón, at ng̃ sa búcas ay makinabang ca at pakinabang̃an icáw ng̃ iyóng kinaguisnang lúpà."—Napunô ng̃ lúhà ang mg̃a matá ng̃ aking amá, naluhód acó sa canyáng paanan, siyá'y aking niyacap at sinabi co sa canyáng acó'y nahahandáng yumao".
Napatiguil ang pagbasa, dahil sa pagcaligalig ni Ibarra: namumutlâ ang binatà at naglálacad ng̃ paroo't parito sa magcabicabilang dúlo ng̃ azotea.
—¿Anó ang iyóng damdám?¿anó ba ang nangyayari sa iyo?—ang tanóng ni María Clara cay Ibarra.
—¡Dahil sa iyó'y nalimutan co ang aking mg̃a catungculan; dapat acóng pumaroon ng̃ayón din sa aking bayan!Búcas ang fiesta ng̃ mg̃a namatáy.
Hindî umimíc si María Clara, itinitig niyáng iláng sandalî ang canyáng malalaki't mapupung̃ay na mg̃a matá cay Ibarra, cumuha ng̃ ilang bulaclác at sinabi sa canyáng nababagbag ang loob:
—Lumacad ca, hindî na catá pinipiguil; magkikita ulî tayo sa loob ng̃ iláng áraw!¡Ilagáy mo itóng bulaclac sa ibabaw ng̃ libing̃an ng̃ iyong mg̃a magulang!
Nang macarâan ang iláng minuto, ang binata'y nananaog na sa hagdanang casabay si Capitang Tiago at si tía Isabel, samantalang nagcuculong sa pánalang̃inan si María Clara.
—¡Ipakisabi ng̃a pô ninyó cay Andéng na canyáng ihandâ ang bahay at mang̃agsisirating si María at si Isabel!—¡Dumatíng nawâ cayóng maluwalhati!—ani Capitang Tiago, samantalang sumásacay si Ibarra sa coche, na yumaong ang tung̃o'y sa plaza ng̃ San Gabriel.
At sinabi pagcatapos ni Capitang Tiago cay María Clara na umíiyac sa tabí ng̃ larawan ng̃ isáng Vírgen:
—Halá, magsindí ca ng̃ dalawáng candilang mang̃ahatì, ang isáy sa Señor San Rafael, pintacasi ng̃ mg̃a naglálacbay.Isindi mo ang lámpara ng̃ Nuestra Señora de la Paz y Buen Viaje.¡Lalong magalíng ang magcagugol ng̃ isáng salapî sa pagkít at anim na cuarta sa lang̃ís, cay sa magbayad pagcatapos ng̃ isáng mahalagáng tubós.
VIII.
MANGA ALAALA
Pinagdaraanan ng̃ coche ni Ibarra ang bahagui ng̃ lálong masayáng nayon ng̃ Maynilà; ang nacapagbíbigay pangláw sa canyá ng̃ gabíng nagdaan, sa liwanag ng̃ araw ay nacapagpapang̃itî sa canyá cahi't sìyá'y áayaw.
Ang casayahang hindî naglílicat sa lahát ng̃ panig, ang lúbháng maraming cocheng nagpaparoo't paritong sacdal ng̃ tutulin, ang mg̃a carromata, ang mg̃a calesa, ang mg̃a europeo, ang mg̃a insíc, ang mg̃a dalisay na tagarito, na bawa't isá'y may canícanyang sariling pananamit, ang mg̃a naglalacô ng̃ mg̃a bung̃ang-cahoy at halaman, mg̃a corredor[160], hubád na cargador[161], mg̃a tindá ng̃ mg̃a cacanín, mg̃a fonda[162], mg̃a restaurant[163], mg̃a tindahan, sampô ng̃ mg̃a carretóng híla ng̃ mg̃a mápagpaumanhin at waláng damdaming calabáw na tila mandín naglílibang sa paghìla ng̃ mg̃a "bulto" samantalang naglilíninglining, ang lahát ng̃ íng̃ay at calugcóg, pati ng̃ araw, isáng amó'y na táng̃ì, ang sarisaring mg̃a culay, pawang pumupucaw sa canyáng alaala ng̃ isáng daigdig na nagugupiling na mg̃a gunità.
Walâ pang latag na mg̃a bató ang mg̃a daang iyón.Dalawâng araw lamang sunód na uminít, ang mg̃a daa'y naguiguíng alabóc ng̃ tumátakip sa lahát, nag-papaubò at bumubulag sa mg̃a naglálacad: isáng araw lamang umulán ay naguiguing láwà na, ano pa't cung gabí ay naaanino roon ang mg̃a farol ng̃ mg̃a coche at tumítilamsic buhát sa limáng metrong layò sa mg̃a naglálacad sa mg̃a makikipot na mg̃a acera.¡Gaano caraming mg̃a babae ang nang̃ag-iwan sa mg̃a along putic na iyón ng̃ caniláng mg̃a chinelas na bordado!Pagcacágayo'y nang̃apapanood na pìnípison ang mg̃a daan ng̃ hanáyhanáy na mg̃a presidiarong ahit ang ulo, na ang mg̃a mangás ng̃ baro'y maíiclî at tòcong ang salawál na may mg̃a número at may mg̃a letrang azul, sa mg̃a binti'y may mg̃a tanicaláng halos nababalot ng̃ maruruming mg̃a basahan upang huwag na totoong macasakít ang pagkiskís ó ang lamig marahil ng̃ bacal; dalawa't dalawá ang pagcacácabit, mg̃a sanág sa araw, mg̃a hapóng-hapô sa init at sa pagod, pinapagmámadalî at silá'y hináhampas ng̃ pamalò ng̃ isáng presidiario ring marahil nagcácámit casayahan, sa pagca't sa ganáng canyá nama'y nacapagpapahirap sa mg̃a cawang̃is din niyáng presidiario.Matatangcád silá, madidilím ang pagmumukháng cailán ma'y hindî námasdang lumiliwanag sa pagsilang ng̃ isáng ng̃itî; numíningning, gayón man ang caniláng mg̃a balingtataó, pagccâ dumarapò sa caniláng mg̃a balicat ang humahaguing na pamálò, ó pagcâ hinahaguisan silá ng̃ isáng naglálácad ng̃ upós ng̃ isáng tabacong basâ-basâ at nacácalas na, dinárampot ang upós ng̃ lalong nálalapit at itinatagò sa canyáng salacót: ang mg̃a ibá'y minámasdan ang mg̃a nagdaraan ng̃ pagting̃íng cacaibá.Warî'y náriring̃íg pa niyá ang caniláng caing̃ayang guinágawâ sa pagduduróg ng̃ batóng itatabon sa mg̃a lubác at ang nacalálaguim na calansíng ng̃ mabibigát na mg̃a tanicalâ sa namámagà na niláng mg̃a bucóng-búcong.Kinikilabutan si Ibarra cung naaalaala niyá ang isáng nangyaring sumugat sa canyáng pag-iisip-musmós; niyó'y catánghalian at ibinábagsac ng̃ araw sa lúpà ang canyáng lalong maiinit na mg̃a sínag.Sa lílim ng̃ isáng carretóng cahoy nacabulagtâ ang isá sa mg̃a táong iyón, waláng malay táo, bucás ng̃ cauntî ang mg̃a matá; pinagbubuti naman ng̃ dalawáng presidiario rin ang isáng hihigáng cawayan, waláng galit, waláng pighatî, waláng yamót, anó pa't waláng pinag-ibhán sa sinasabing caugalia't anyô ng̃ dalisay na mg̃a tagarito."Ng̃ayó'y icáw, búcas nama'y camí," marahil siyáng sinasabi sa canícanilá.Hindî pinápansin ng̃ mg̃a táong nagdudumaling dumaraan ang bagay na iyón; nagdaraan ang mg̃a babae, tinítingnan silá at nang̃agpapatuloy ng̃ paglacad, caraniwan ng̃ mapanood ang mg̃a bagay na yaón, linipacán na ang mg̃a púsò; nang̃agtatácbuhan ang mg̃a coche, ipinaaanino sa caniláng catawáng may barniz ang mg̃a sínag ng̃ araw na iyóng maningníng sa isáng lang̃it na waláng alapaap; sa canyá lamang, batang may labíng isáng taón at bágong carárating na galing sa canyáng bayan, nacalálaguim ang napapanood na iyón; sa canyá lamang nacapagbigáy bang̃ung̃ot ng̃ kinágabihan.
Walâ na ang mabaít at may wagás na puring "Puente de Barcas," yaóng tuláy filipinong-mabaít na nagsusumakit maglingcód, bagá man tagláy niya ang catutubong mg̃a capintasang tumataas at bumábabâ alinsunod sa maibigan ng̃ ilog Pasig na dî miminsang nagpahirap at gumibâ sa tuláy na iyon.
Hindî lumálagô ang mg̃a talisay sa plaza ng̃ San Gabriel; nananatili silá sa pagcacúyagutin.
Sa ganáng canya'y nagbawas ang gandá ng̃ Escolta, bagá man ng̃ayó'y may isáng malaking bahay na may mg̃a "cariatide"[164] sa dating kinatatayuan ng̃ mg̃a lumang camalig. Tinakhán niyá ang bagong "Puente de España"[165]; nang̃agpaalaala sa canyá ng̃ mg̃a maguiguináw na umaga, cung doo'y dumaraang namamangcâ siláng patung̃ó sa mg̃a paliguan sa Ulì-ulì, ang mg̃a bahay na na sa pangpáng na dacong canan ng̃ ílog, na napapag-itanan ng̃ mg̃a cawayanan at mg̃a punong cahoy, doon sa wacás ng̃ Escolta at pasimulâ ng̃ Isla del Romero.
Nasasalubong niyá ang maraming mg̃a cocheng hinihila ng̃ mg̃a maiinam na mg̃a cabayong maliliít, lulan ng̃ mg̃a coche ang mg̃a empleadong nacacatucatulog pa marahil ay pumapatung̃o na sa caniláng mg̃a oficina; mg̃a militar, mg̃a insíc na may anyóng hambóg at catawatawá ang pagcacaupô; mg̃a fraileng hindî maimikin, mg̃a canónigo at iba pa.Tila mandin canyáng namataan sa isáng marikit na "victoria"[166] si párì Dámasong mabalasíc ang mukhá't cunót ang mg̃a kílay; ng̃uni't siyá'y nacaraan na at ng̃ayo'y masayáng bumabati sa canyá, búhat sa canyáng carretela[167] si Capitan Tinong na casacáy ang canyáng asawâ't dalawáng mg̃a anác na babae.
Ng̃ macababâ na ng̃ tuláy, tumacbó ang mg̃a cabayo't tinung̃o ang paseo ng̃ Sabána[168]Sa caliwa'y ang fábrica ng̃ tabaco sa Arroceros, na pinanggagaling̃an ng̃ malakíng úgong na guinágawa ng̃ mg̃a cigarrera sa pagpucpóc ng̃ mg̃a dahon ng̃ tabaco.Napang̃itî si Ibarra, sa pagca alaala ng̃ masangsáng na amóy na iyóng sa tuwíng icalimáng oras ng̃ hapo'y lumalaganap sa tuláy ng̃ Barcas at humihilo sa canyá ng̃ panahóng siyá'y musmós pa.Ang masasayáng mg̃a salitâan, ang mg̃a catatawanan ang siyáng cahi't hindî niyá sinasadya'y nacapaghatíd sa canyáng guníguní sa nayon ng̃ Lavapiés, sa Madrid, sampô ng̃ doo'y mg̃a pangliligalig ng̃ mg̃a cigarrera, na totoong nacacapahamac sa sawíng palad na mg̃a "guindilla"[169] at iba pà.
Ipinagtabuyan, ang canyáng caayaayang mg̃a naaalaala ng̃ Jardín Botánico[170]; iniharáp sa canyáng pag-iísip ang demonio ng̃ mg̃a pagsusumagsumag; ang mg̃a Jardín Botánico sa Europa, sa mg̃a lupaing nang̃agcacailang̃an ng̃ malacás na calooban at saganang guintô upang mapasibol ang isáng dahon at mapabucás ang isáng bulaclác; hindî lamang doon, cung dî sa mg̃a "colonia" man ay may mabubuti ang alagà at mg̃a mahahalagáng Jardín Botánicong bucás na lagui sa sino mang ibig manood.Inihiwaláy doón ni Ibarra ang canyáng mg̃a matá at iniling̃ap niyá sa dacong canan, at doo'y canyáng nakita ang matandáng Maynilàng naliliguid ng̃ mg̃a cútà at mg̃a bangbáng, tulad sa isáng dalagang culang sa dugô, na nababalot ng̃ isáng pananamit ng̃ canyáng nunong babae ng̃ panahong itó'y sumasacagarâan.
¡Natanawan niyá ang dagat na hindî maabot ng̃ tanáw ang guilid na lubháng maláyò!...
—¡Na sa cabiláng ibayo ang Europa!—ang inisip ng̃ binatà!¡Ang Europang may magagandáng mg̃a nacióng hindî nang̃aglílicat ng̃ pagsusumicap sa paghanap ng̃ caligayahán, nagsisipanaguinip pagcacaumaga at nang̃agdáramdam cabiguan sa towíng lumúlubog ang araw ...lumiligaya sa guitnâ ng̃ canyáng mg̃a capahamacán!¡Tunay ng̃â, sa cabilang ibayo ng̃ dagat na dî maulata'y nang̃aroroon ang mg̃a nacióng mapagmahal sa espíritu, at bagá man hindî nilá minámasamâ ang catawán, lálò pa mandíng mápagmahal sa espíritu cay sa mg̃a nagpapanggáp na lubháng umiirog sa espíritu.
Ng̃uni't nang̃agsitacas ang canyáng mg̃a pagdidilidiling itó ng̃ canyáng makita ang muntíng bundúc-bunducan sa capatagan ng̃ Bagumbayan.Ang namûmucod na bundúc-bunducan sa isáng tabí ng̃ paseo ng̃ Luneta ang siyá ng̃ yóng umaakit sa canyáng ísip at siyáng sa canyá'y nagpapagunamgunam.
Canyáng guinugunitâ ang táong nagbucás ng̃ canyáng pag-íisip at nagpakilala sa canyá, ng̃ magalíng at ng̃ nasacatuwiran. Tunay ng̃a't cácauntî ang mg̃a caisipáng sa canyá'y iniaral, ng̃uni't hindî ang mg̃a waláng cabuluháng pag-ulit lamang ng̃ mg̃a sinabi ng̃ ibá; pawang mg̃a caisipáng galing sa pananalig na hindî nang̃agculabô sa liwanag ng̃ lalong matitindíng ílaw ng̃ dakilang pagsulong. Ang táong yaó'y isáng matandáng sacerdote, ang mg̃a pang̃ung̃usap na sa canyá'y sinabi ng̃ siyá'y pagpaalaman ay umaaling̃awng̃aw pa sa canyáng mg̃a taing̃a: "Huwág mong calimutang bagá man pag-aarì ng̃ sangcataohan ang carunung̃an, "minamana lamang ang carunung̃ang iyán ng̃ mg̃a táong may púsò,?—ang paalaala niyá.—"Pinagsicapan cong ilipat sa iyo ang aking tinanggáp sa aking mg̃a maestro; ang cayamanang iyó'y pinagsicapan co namáng dagdagán sa boong abót ng̃ aking cáya at inililipat co sa mg̃a táong humahalili; gayón din ang gágawin mo sa mang̃agsisihalili sa iyo, at mapagtátatlong ibayo mo, sa pagcá't icáw ay paparoon sa mg̃a lubháng mayayamang lupaín."—At ng̃umíng̃iting idinagdág; "Nang̃agaisiparito silá sa paghanap ng̃ guintô; ¡mang̃agsiparoon namán cayó sa caniláng lupaí't hanapin ninyó roon ang ibáng guintóng ating kinacailang̃an!Alalahanin mo, gayón mang hindî ang lahát ng̃ cumíkinang ay guintô.Namatáy riyán ang paring iyón."[171]
Sa mg̃a gunità niyáng itó'y sumásagot siyá:
—¡Hindî, anó mang caratnan, ang una'y ang kinaguisnang lúpà, ang una'y Filipinas, anác ng̃ España, ang una'y ang lupaíng castílà.¡Hindî, ang bagay na iyáng isáng casaliwaang palad ay hindî nacarurung̃is sa Bayang kináguisnan, hindî.Hindî nacahahalina sa canyáng paggugunamgunam ang Ermita, iyáng Fénix[172] na pawid, na mulîng sumisilang sa canyáng mg̃a abó sa anyóng mg̃a bahay na may mg̃a pintáng putî at azul at ang bubóng ay zinc na may pintáng pulá. Hindî nacaaakit sa canyáng pagmamalasmalas ang Maalat, ni ang cuartel ng̃ caballeríang may mg̃a punong cahoy sa tapát, ni ang mg̃a tagaroon, ni ang mg̃a maliliit na bahay na pawid na may matitibong na bubung̃áng nang̃acúcubli sa mg̃a púnò ng̃ saguing at mg̃a bung̃a, na guinagawang tulad sa mg̃a pugad ng̃ bawa't amá ng̃ isáng mag-anac.
Tulóy ang paggulong ng̃ coche: nacasasalubong ng̃ isáng carromatang híla ng̃ isá ó dalawang cabayo, na napagkikilalang galing lalawigan, dahil sa guarnición at iba pang cagamitáng pawang abacá.Pinagpipilitang makita ng̃ carromatero ang naglálacbay na nacasacáy sa maningning na coche at nagdaraang hindî nakikipagpalitan ng̃ cahi't isáng pananalitâ, ng̃ cahi't isang pakikipagbatîan.Cung minsa'y isáng carretóng híla ng̃ isáng calabaw na marahan ang lacad at parang waláng anó man ang siyáng nacawawalâ ng̃ capanglawan ng̃ maluluang at maalicabóc na mg̃a lansang̃ang napapaliguan ng̃ makináng na araw ng̃ mg̃a "trópico"[173]Nakikisaliw sa malungcót at dî nagbábagong anyô ng̃ awit ng̃ namamatnugot na nacasacáy sa calabaw ang matinding calairit ng̃ tuyóng rueda sa pag-íkit na casama ang kinsékinsé ng̃ mabigát na carretón; cung minsan nama'y ang malagáslas na tunóg ng̃ gasgás na mg̃a paa ng̃ isáng paragos, niyáng trineong[174] sa Filipinas ay hinihilang napacabanayad sa ibabaw ng̃ alabóc ó ng̃ mg̃a lubác sa daan. Sa mg̃a capatagan, sa mg̃a malilinis na lupang pinaghahalamanan ay nang̃ing̃inain ang mg̃a hayop na casama ng̃ mg̃a tagác, na payapang nacadapò sa ibabaw ng̃ mg̃a vacang capóng ng̃umúng̃uyâ at linalasa ang mg̃a sariwang damó ng̃ parang, na ipinipikítpikít ang mg̃a matá,; sa dacong malayo'y mg̃a babaeng cabayong nang̃agdadambahan, nang̃aglulucsuhan at nang̃agtatacbuhang hagad ng̃ isáng masival na potrong mababà ang buntót at malagô ang kilíng: humahalinghíng ang potro at pinasasambulat ang lúpà ng̃ canyáng malalacás na mg̃a cucó.
Pabayáan nating maglacbáy ang binatang nagdidilidili ó nacacatulog: ang hiwagang malungcót ó masayá ng̃ catapang̃ang hindî nacacaakit ng̃ canyáng gunamgunam: ang araw na iyóng nagpapapakintab sa mg̃a dulo ng̃ mg̃a cahoy at nagpapatacbò sa mg̃a tagabukid na nang̃apapasò ang mg̃a paa sa nagbabagang lúpà, bagá mán silá'y may panyapác na mg̃a lipác; ang araw na iyóng pumipiguil sa isáng babaeng tagabukid sa lilim ng̃ isáng talisay ó cawayanan, at sa canya'y nagpapaísip ng̃ mg̃a bagaybagay na walang catuturán at dî mapagwarì, ang isip na iyo'y hindi nacalulugod sa ating binatà.
Bumalíc tayo sa Maynilà samantalang gumugulong ang coche't nagpapaguiray-guiray, túlad sa isáng lasíng, sa buról-bùról na lupà, at samantalang tumátawid sa tuláy na cawayan, pumapanhic sa mataríc na ahunín ó bumábabâ sa totoong malalim na lusung̃ín.
IX.
MANGA CAUGALIAN NG BAYANG ITO
Hindî nagcámalî si Ibarra; nalululan ng̃a si "victoriang" iyón si parì Dámaso at tumutung̃o sa báhay na canyáng bágong caíiwan.
—¿Saan bâ cayó paroroon?—ang tanóng ng̃ fraile cay María Clara at cay tía Isabel, na mang̃agsisisacay na sa isáng cocheng may mg̃a pamuting pílac, at tinatampîtampì ni párì Dámaso ang mg̃a pisng̃í ni María Clara, sa guitnâ ng̃ canyang mg̃a caguluhan ng̃ ísip.
—Cucunin co sa beaterio ang aking mg̃a bagaybagay roon—ang sagót ni María Clara.
¡Aháaá!¡ahá!tingnán natin cung sino ang mananalo sa amin, tingnan natin!—ang ipinagbububulóng na hindî nápapansin ang sinasabi, na anó pa't nagtacá, ang dalawang babae.Tinúng̃o ang hagdanan at nanhíc doon si párì Dámasong nacatung̃ó ang úlot't madálang-dalang ang hacbáng.
¡Marahil siya'y magsésermon at canyáng isinasaulo ang canyáng ipang̃ang̃aral!—aní tía Isabel;—sacáy na María at tatanghalíin tayo ng̃ pagdatíng.
Hindî namin masábi cung magsesermón ng̃â ó hindî; datapuwa't inaacala naming mg̃a dakílang bagay ang mg̃a pinag-íisip-ísip niyá, sa pagcá't hindî man lamang naiabot niyá, ang canyáng camáy cay capitang Tiago, cayá't napilitang yumucód pa itó ng̃ cauntî upáng hagcán ang camáy na iyón.
—¡Santiago!—ang únang sinabi niyá—may pag-uusapan tayong mahahalagang bagay; tayo na sa iyong oficina.
Maligalig ang lóob ni Capitang Tiago, hindî nacaimíc ng̃uni't sumunód sa napacalakíng sacerdote, at sinarhán ang pintô pagcapásóc nilá.
Samantalang nagsasalitaan silá ng̃ líhim, siyasatin nátin cung anó ang kinaratnan ni Fr.Sybila.
Walâ sa canyang convento ang pantás na dominico; maagang maaga, pagcapagmisa, siyá'y napatung̃o sa convento ng̃ canyáng capisanang na sa macapasoc ng̃ pintuan ni Isabel Segunda, ó ni Magallanes, alinsunod sa naghaharing familia, sa Madrid.
Hindî niya pinansin ang masaráp na amóy-chocolate, at gayón ding dî niya ininó íng̃ay ng̃ mg̃a cajón at ang salapìng náriring̃ig mulâ, sa Procuración, at bahagyâ ng̃ sumagót sa mapitagan at maguíliw na batì ng̃ uldóg na procurador, nanhíc si Fr.Sybila, tinahac ang ilang mg̃a "corredor" at tumuctóc ng̃ butó ng̃ mg̃a dalírì sa isáng pintûan.
—¡Tulóy!—anang isáng voces na wari'y dumaraing.
—¡Pagaling̃in nawâ cayó ng̃ Dios sa inyóng sakít!—ang siyáng batì ng̃ batang dominico pagpasoc.
Nacaupo sa isáng malaking sillón ang isáng matandáng párì, culubót at gá namúmutlâ na ang balát ng̃ mukhâ, cawang̃is ng̃ isá riyán sa mg̃a santong ipinintá ni Rivera.Nang̃lálalalim ang mg̃a matáng napuputung̃an ng̃ lubháng málalagong kilay, na palibhasa'y láguing nacacunót ay nacapagdáragdag ng̃ ningníng ng̃ paghíhing̃alô ng̃ canyang mg̃a matá.
Nabábagbag ang lóob na pinagmasdán siyá ni párì Sibilang nacahalukipkíp ang mg̃a camáy sa ilalim ng̃ cagalanggalang na escapulario ni Santo Domingo.Inilung̃ayng̃ay pagcatapos ang úlo, hindî umíimic at wari'y naghíhintay.
—¡Ah!—ang buntóng hining̃á ng̃ maysakít—inihahatol sa akin, Hernando; na akin daw ipahíwà!¡Ipahiwà sa tandâ co ng̃ itó!¡Itóng lupaíng ito!¡Ang cagulatgulat na lupaíng itó!¡Muhang ulirán ca sa nangyayari sa akin, Hernando!
Dahándáhang itinàas ni Fr.Sybila ang canyáng mg̃a matá at itinitig sa mukhà ng̃ may sakít:
—At ¿anó pô ang inyóng minagaling?—ang itinanóng.
—¡Mamatáy!¡Ay!¿May nálalabi pa bagá sa aking ibáng bágay?Malábis na totoo ang aking ipinaghihirap; datapuwa't....pinapaghirap co namán ang marami....¡nagbabayad-útang lamang acó!At icáw, ¿cumustá ca?¿anó ang sadyâ mo?,
—Naparíto pô acó't sasabihin co sa inyó ang ipinagcatiwalang bílin sa akin.
—¡Ah!¿at anó ang bagay na iyón?
—¡Psh!—sumagót na may samâ ang loob, umupô at ilining̃ón ang mukhâ, sa ibáng panig,—mg̃a cabulastigan ang sinabi sa atin; ang binatang si Ibarra'y isang matalínong bagongtao; tila mandín hindì halíng; ng̃uni't sa acálà co'y isáng mabaít na bagongtao.
—¿Sa acálà mo?
—¡Nagpasimulâ cagabí ang caniláng pagcacáalit!
—¡Nagpasimulâ na!¿at bákit?
Sinaysay ni Fr.Sibyla, sa maiclíng pananalitâ, ang nangyari cay párì Dámaso at cay Crisóstomo Ibarra.
—Bucód sa rito—ang idinugtóng na pangwacás—mag-aasawa ang binatà sa anác na babae ni Capitang Tiago, na nag-aral sa colegio ng̃ ating mg̃a capatid na babae; siyá'y mayaman at dî ng̃a niyá iibiguing magcaroon ng̃ mg̃a caaway upang siyá'y mawal-án ng̃ caligayahán at cayamanan.
Itinang̃ô ng̃ may sakít ang canyang úlo, sa pagpapakìlalang siyá'y sang-áyon.
—Siyâ ng̃â, gayón din ang áking acálà ...Sa pamamag-itan ng̃ gayóng babae at isáng bianáng lalaking gayón, maguiguing atin ang canyáng catawá't cálolowa.At cung hindî ¡lálong magalíng cung siya'y magpakitang kaaway natin!
Minamasdáng nagtátaca ni Fr.Sibyla ang matandâ.
—Unawàing sa icagagaling ng̃ ating Santong Capisanan—ang idinugtóng na naghihirap ng̃ paghing̃á.—Minámagaling co pa ang makilaban sa átin, cay sa mg̃a halíng na pagpupuri at paimbabáw na panghihinuyò ng̃ mg̃a caibigan....tunay at silá'y may mg̃a bayad.
—¿Inaacalà pô bâ ninyóng gayón?
Tiningnán siyá ng̃ boong lungcót ng̃ matandâ.
—¡Tandaân mong magalíng!—ang isinagót na nagcácangpapagál—Manacatilî ang ating capangyarihan samantalang sa capangyarihang iya'y nananalig.Cung táyo'y labánan, ang sasabihin ng̃ Gobierno'y: "Nilalabanan silá, sa pagca't ang mg̃a fraile'y isáng hadláng sa calayaan ng̃ mg̃a filipino; at sa pagca't gayo'y papanatilihin natin ang mg̃a fraile."
—At ¿cung silá'y pakinggán?Manacânacang ang Gobierno'y....
—¡Hindî silá pakíkingan!
—Gayón man, cung sa udyóc ng̃ casakimá'y nasáin ng̃ Gobiernong maowî sa canyá ang ating inaani ...cung magcaroon ng̃ isáng pang̃ahás at walang gúlat na....
—Cung magcágayo'y ¡sa abâ niyá!
Capuwâ hindî umimíc.
—Bucód sa roón—ang ipinatúloy ng̃ may sákít—kinacailang̃an nating tayó'y labánan, táyo'y pucáwin: nagpapakilala sa atin ang mg̃a labanáng ito ng̃ cung saan naroon ang ating cahinaan, at ang gayó'y nacapagpapagalíng sa atin. Nacararayà sa átin at nacapágpapahimbing ang malábis na mg̃a pagpúri: datapowa't sa lábás ay nacapagpapapang̃it ng̃ ating anyô, at sa araw na mahúlog táyo sa capang̃itang anyô, táyo'y mapapahamac, na gáya ng̃ pagcapahamac natin sa Europa.Hindî na papasoc ang salapí sa ating mg̃a simbahan; sino ma'y walâ ng̃ bíbili ng̃ mg̃a escapulario, ng̃ mg̃a correa at ng̃ anó man, at pagcâ hindî na tayo mayaman, hindî na natin mapapapanalig ang mg̃a budhî.
—¡Psh!Mananatili rin sa atin ang ating mg̃a "hacienda," ang ating mg̃a báhay!
—¡Mawáwala sa ating lahát, na gaya ng̃ pagcawalâ sa átin sa Europa!At ang lálong masamá'y nagpapagal táyo at ng̃ táyo'y mangguípuspós.Sa halimbáwà: iyáng nápacalabis na pagsusumakit na dagdagan sa taóntaón, ayon sa ating maibigan, ang halagá ng̃ buwís ng̃ ating mg̃a lúpà, ang pagsusumakit na iyáng aking sinalansáng sa lahát ng̃ mg̃a malalaking pulong natin; ¡ang pagsusumakit na iyán ang siyáng macapapahamac sa atin!Napipilitan ang "indiong" bumilí sa ibang daco ng̃ mg̃a lúpang casíng galíng din ng̃ ating mg̃a lupà ó lálò pang magalíng.Nang̃ang̃anib acóng bacâ táyo'y nagpapasimulâ na ng̃ pagbabâ: "Quos vult perdere Jupiter dementat prius."[175] Dahil dito'y huwág ng̃â nating dagdagán ang ating bigát; ang báya'y nagbububulóng na. Mabúti ang inisip mo: pabayâan natin ang ibáng makikipaghusay doón ng̃ canícanilang sagutin; papanatilihin natin ang sa ati'y pagpipitagang nálalabi, at sa pagcá't hindî malalao't makíkiharáp táyo sa Dios, linísin nátin ang ating mg̃a cama'y ... ¡Maawà nawâ sa áting mg̃a kahinàan ang Dios ng̃ mg̃a pagcahabág!
—Sa macatuwíd ay inaaacalà pó bâ ninyóng ang buwís ay ...
—¡Howág na tayong mag-úsap ng̃ tungcól sa salapî!—ang isinalabat ng̃ may sakít na masamâ ang lóob.—Sinasabi mong ipinang̃acò ng̃ teniente cay párì Dámaso..?
—Opo, amá—ang sagot ni párì Sibylang gá ng̃umíng̃itî na.Ng̃uni't nakita co caninang umága ang teniente, at sinábi sa áking dináramdam daw niyá ang lahat ng̃ nangyári cagabí, na umímbulog daw sa canyáng úlo ang Jerez, at sa acálà niya'y gayón din ang nangyári cay párì Dámaso.—At ang pang̃aco?—ang tanóng cong pabirô.—Padre cura ang isinagót:—marunong pô acóng tumupád ng̃ áking wicâ, pagcâ sa pagtupád na iya'y hindî co dinurung̃isan ang aking capurihán; cailan ma'y dî co naguing ugálì ang magcanulô canino man, at dàhil dito'y teniente acó hanggá ng̃ayón.
—Ng̃ macapagsalitaan silá ng̃ mg̃a ibá't ibáng bágay na waláng cabuluhán, nagpaalam sì Fr.Sibyla.
Hindî ng̃a namán naparoón ang teniente sa Malacanyáng; ng̃unit naalaman din ng̃ Capitan General ang nangyari.
Nang nakikipagsalitaan siyá sa canyáng mg̃a ayudante tungcól sa mg̃a pagbangguít na sa canya'y guinágawá ng̃ mg̃a páhayagan sa Maynilà, sa ilalim ng̃ mg̃a pamagat na mg̃a "cometa"[176] at iba pang mg̃a napakikita sa lang̃it, sinabí sa canyá ng̃ isá sa mg̃a ayudanteng iyón ang pakikipagcagalit ni párì Dámaso, na pinalubhâ pa ang cabigatán ng̃ mg̃a pananalitâ, bagá man pinakinis ng̃ cauntî ang mg̃a bigcás ng̃ sabi.
—Síno ang sa iyo'y nagsábi—ang tanong ng̃ Capitán General na ng̃uming̃itî.
—Naring̃ig co pô cay Laruja, na siyáng nagbabalità caninang umága sa pásulatan ng̃ pámahayagan.
Mulíng ng̃umitî ang Capitan General at idinagdág:
—¡Hindî nacasásakit ang babae't fraile!Ibig cong manahimic sa nátitirang panahón ng̃ pagtirá co sa lupáng itó, at aayaw na acóng makipag-alít sa mg̃a lalaking gumagamit ng̃ sáya.At lálong lálò na ng̃ayóng áking natalastás na pinaglalaruan lamang ng̃ provincial ang aking mg̃a útos; hining̃i cong pinacaparusa ang paglilipat sa ibáng bayan ng̃ fraileng iyán; at siyá ng̃a namán, siya'y inilipat, ng̃uni't doon siya inilagay sa lalong magaling na báyan: ¡frailadas![177] na sinásabi natin sa España.
Ng̃uni't humintô ng̃ pagng̃itì ang Capitan General ng̃ nagíisa na.
—¡Ah!¡cung hindî sána nápacatang̃á ang báyang ito'y pasusucuin co ang aking mg̃a cagalanggalang na iyán!—ang ipinagbuntóng hining̃á.—Datapuwa't carapatdapat ang báwa't báyan sa kinasasapitan niyá; gawin nátin ang inuugalì ng̃ lahát.
Samantala'y natápos si Capitang Tiago ng̃ pakikipulong cay pári Dámaso, ó sa lalong magalíng na sabi, ang pakikipulong ni párì Dámaso cay Capitang Tiago.
—¡Ng̃ayo'y napagsabihan na catá! —ang sabi ng̃ franciscano ng̃ magpaalam. Naílágan sana ang lahát ng̃ itó, cung nagtanóngtanóng ca múna sa akin, cung dî ca sana nagsinung̃aling ng̃ icáw ay tinatátanong co.¡Pagsicapan mong howag ca nang gumawâ ng̃ mg̃a cahaling̃án, at manálig ca sa canyáng ináama!
Lumibot ng̃ macaalawa ó macaatló sa salas si Capitang Tiagong nag-iísip-isip at nagbúbuntóng hining̃á; di caguinsaguinsa'y párang may naisip siyáng magalíng, tumacbó sa pánalang̃inan at pinatáy ang mg̃a candílà at ang lámparang canyáng pinasindihán upang siyáng macapagligtás cay Ibarra.
—May panahón pa, sa pagca't totoong malayò ang linálacbay—ang ibinulóng.
X.
ANG BAYAN
Hálos sa pampáng ng̃ dagátan ang kinálalagyan ng̃ báyang San Diego[178], na sumasaguitnâ ng̃ mg̃a capatágang hálamanan at mg̃a paláyan.Nagpápadala sa ibáng mg̃a báyan ng̃ asúcal, bigás, café at mg̃a búngang haláman, ó ipinagbíbili cayâ ng̃ múrangmúra sa insíc na nagsasamantalá ng̃ cawal-áng málay ó ng̃ pagcahilig sa mg̃a masasamang pinagcaratihan ng̃ magsasacá.
Pagcá áraw na mabúting panahón at umáacyat ang mg̃a batà sa caitaasan ng̃ campanario ng̃ simbahan, na napapamutihan ng̃ lúmot at ng̃ damóng hatíd ng̃ háng̃in; pagcacágayo'y masayáng nang̃agsisigawan, sa udyóc ng̃ cagandáhan ng̃ nátatanaw na humáhandog sa caniláng mg̃a matá.Sa guìtná ng̃ caráming mg̃a bubung̃áng páwid, tísà, "zinc" at yúnot, na napapaguitnaan ng̃ mg̃a bulaclác natátalastas ng̃ bawa't isá ang paraan ng̃ pagcakita sa canícanilang báhay na maliliit, ang canilá bagáng malilingguít na púgad.Nagagamit niláng panandâ ang lahát: isáng cáhóy, isáng sampáloc na may maliliit na dáhon, ang nióg na puspós ng̃ mg̃a búco, tulad sa maanaking si Astarté[179] ó cay Diana[180] sa Efeso[181] na may maraming súso, isáng humáhabyog na cawáyan, isáng búng̃a, isáng cruz. Naroroón, ang ílog, calakilakihang ahas na cristal na natutulog sa verdeng alfombra: pinaaalon ang canyáng ágos ng̃ mg̃a pirápirasong malalakíng batóng nagcacapatlángpatláng sa mabuhang̃ing inaagusan ng̃ túbig; cumikipot ang ílog sa dáco roón, at may mg̃a pangpáng na matatáas na kinacapitang nangpapalícò-lícò ng̃ mg̃a cahoy na nacalitáw ang mg̃a ugát, at sa dáco rito'y lumálaylay ang mg̃a panabí at lumuluang at tumitining ang ágos.May nátatanaw sa dácong maláyong isáng maliit na bahay, na itinayô sa pangpáng na hindî natacot sa cataasan, sa hang̃ing malacás at sa pinanununghang bang̃íng malálim, at masasabi, dahil sa canyáng malilíit na haligui, na siyá'y isáng cálakilakihang zancuda[182] na nag-aabang ng̃ ahas upang daluhúng̃in. Mg̃a catawán ng̃ púnò ng̃ nióg ò ng̃ cahoy na may balát pa, na gumágalaw at gumiguiwang ang siyang naghúhugpong ng̃ magcabilang ibayo, at cahi't sila'y masasamáng tuláy, datapuwa't maiínam namáng cagamitán sa circo sa pagpapatiwatiwáric, bagay na hindî dapat pawal-áng halagá: nang̃agcacatwâ ang mg̃a bátà, búhat sa ílog na pinaliliguan, sa mg̃a pagcalaguím ng̃ nagdaraang babaeng may súnong na bacol, ó ng̃ matandáng lalaking nang̃íng̃inig sa paglácad at pinababayâang mahúlog ang canyang tungcód sa túbig.
Ng̃uni't ang lálong nacahihicayat ng̃ pagmamasíd ay ang isáng matatawag nating náiimos na gúbat sa dágat na iyón ng̃ mg̃a lúpang lináng.Diya'y may mg̃a cátandâtandàang mg̃a cáhoy, na guáng ang catawán, at cayâ lámang namámatay ay pagcâ tinámâan ng̃ lintíc ang matàas na dúlo at nasusunog: ang sabihana'y hindî lumalakit sa îbá ang apóy na iyón at namámatay doón din; diyá'y may mg̃a pagcálalaking mg̃a batóng dináramtan ng̃ terciopelong lúmot ng̃ panahón at ng̃ "naturaleza": humíhimpil at nagpapatongpatong sa caniláng mg̃a gúang ang alabóc na pinacacapit ng̃ ulán at ang mg̃a íbon ang siyáng nagtátanim ng̃ mg̃a binhî.Malayang lumalagô ang mg̃a cacahuyan: mg̃a damó, mg̃a dawag, mg̃a tabing na damóng gumagapang na nang̃agsasalasalabat at nagpapalipatlipat sa isá't isáng cahoy, bumibitin sa mg̃a sang̃á, cumacapit sa mg̃a ugát, sa lupà, at sa pagcá't hindî pa mandin nasisiyahan sa ganitó si Flora[183], ay nagtátanim siyá ng̃ mg̃a damó sa ibábaw ng̃ damó; nabubuhay ang lúmot at ang cábuti sa mg̃a gahác-gahác na balát ng̃ cáhoy, at ang mg̃a damóng dápò, mg̃a cawilíwíling manunuluyan, ay napapagcamal-an sa canilang mg̃a pagcâyacap sa cahoy na mápagpatuloy.
Iguinagalang ang gúbat na iyón: may mg̃a sali't-sáling sabing sinásalitâ tungcól doon; ng̃uni't ang lâlong malápit sa catotohanan, at sa pagca't gayó'y siyang hindî lubhang pinaniniwalaan at hindî naman napag-aalaman, ay ang sumusunod:
Nang ang baya'y walâ cung dî isang walang halagang tumpóc ng̃ mg̃a dampâ, at saganang sumísibol pa sa pinacalansang̃an ang damó; ng̃ panahóng yaóng pagcagabi ay nanasoc doón ang mg̃a usá at mg̃a baboy-ramó, dumatíng isáng áraw ang isáng matandáng castilang malalálim ang mg̃a matá at totoong magalíng magwícang tagalog.Pagcatápos na matingnán at malíbot ang mg̃a lúpà sa magcabicabilà, ipinagtanóng niyá cung sinosino ang may arì ng̃ cagubatang inaagusan ng̃ tubig na malacúcò.Nang̃agsiharáp ang iláng nang̃agsabing umanó'y silá raw ang may árì, at ang guinawâ ng̃ matandá'y binilí sa canilá ang gúbat na iyón, sa pamamag-ítan ng̃ mg̃a damít, mg̃a híyas at cauntíng salapî.Nawalâ pagcátapos ang matandâ na hindî maalaman cung paáno.Pinananaligan na ng̃ táong siyá'y "encantado", ng̃ máino ng̃ mg̃a pastól ang isáng caang̃utáng nagbubuhat sa carátig na gúbat; caniláng binacás, at ang násumpung̃an nila'y ang matandáng lalaking bulóc na at nacabítin sa sang̃á ng̃ isáng "balítì".Nacatatacot na siyá ng̃ panahóng buháy pa, dáhil sa canyáng malalim at malagunlóng na voces, dáhil sa malalim niyang mg̃a matá at dáhil sa táwa niyáng waláng íng̃ay; ng̃uni't ng̃ayóng siyá'y magbigtí ay lumiligalig siyá sa pagtulog ng̃ mg̃a babae.Itinapon ng̃ iláng babae sa ílog ang mg̃a híyas at sinunog ang damít na canyáng bigáy, at mulà ng̃ ilibíng ang bangcáy sa púnò ng̃ balítì ring iyón, sino mang táo'y walâ ng̃ mang̃ahás na doo'y lumápit.Isáng pastól na nagháhanap ng̃ canyáng mg̃a hayop, ibinalitang nacakita raw siyá roón ng̃ mg̃a ílaw; nang̃agsiparoón ang mg̃a bínatà at nacárinig na silá ng̃ mg̃a daíng.Isáng cúlang pálad na nang̃ing̃ibig, na sa pagmimithî niyáng mápuna ng̃ sa canyá'y nagwáwalang bahálà, nang̃ácong mátitira siyáng magdamág sa lílim ng̃ cáhoy at ipupulupot niyá sa punò nitó ang isáng mahabang yantóc, namatáy dahil sa matindíng lagnát na sa canya'y dumápò kinabucasan ng̃ gabí ng̃ canyáng pakikipagpustahan.May pinagsasalitaanan pang mg̃a catha't sali't saling sabi tungcól sa gubat na iyón.
Hindî nag-iláng buwán at naparoon ang isáng binatang wari'y mestizong castílà, na ang sabi'y anác daw siyá ng̃ nasírà, at nanahán sa súloc na iyón at nang̃asíwà sa pagsasaca, lalonglalò na sa pagtataním ng̃ tínà.Si Don Saturnino'y isáng binatang malungcót ang asal at lubháng magagalitín, at cung minsa'y malupít; datapuwa't totoong masipag at masintahin sa paggawâ: binacuran ng̃ pader ang pinaglibing̃án sa canyáng amá, na manacânacâ lamang dinadalaw.Nang may cagulang̃an na'y nag-asawa sa isáng batang dalagang taga Maynílà, at dito'y naguíng anác niya si Don Rafael, na amá ni Crisóstomo.
Batangbatà pa si Don Rafael ay nagpílit nang siyá'y calugdán ng̃ mg̃a táong bukid: hindî nalao't pagdaca'y lumagô ang pagsasacang dinalá at pinalaganap ng̃ canyáng amá, nanahán doon ang maraming táo, nang̃agsiparoon ang maraming insíc; ang pulô ng̃ mg̃a dampá'y naguíng isáng nayon, at nagcaroon ng̃ isáng curang tagalog; pagcatapos ay naguíng isáng bayan, namatáy ang cura at naparoon si Fr.Dámaso; ng̃uni't ang libing̃a't caratig na lupa'y pawang pinagpitaganan.Nang̃áng̃ahas na maminsanminsan ang mg̃a batang lalaking mang̃agsiparoong may mg̃a daláng panghampás at mg̃a bató, upang lumiguid sa palibot libot at mang̃uha ng̃ bayabas, papaya, dúhat at iba pa, at cung minsa'y nangyayaring sa casalucuyan ng̃ caniláng guinàgawà, ó cung caniláng pinagmámasdang waláng imíc ang lubid na gagalawgalaw buhat sa sang̃á ng̃ cáhoy, lumálagpac ang isá ó dalawáng batóng hindi maalaman cung saán gáling; pagcacagayo'y casabay ng̃ sigáw na:—¡ang matandâ!¡ang matanda!—caniláng ipinagtatapunan ang mg̃a bung̃ang cáhoy at ang mg̃a panghampás, lumúlucso silá sa mg̃a cáhoy at nang̃agtatacbuhan sa ibabaw ng̃ malalakíng bató at sa mg̃a cacapalán ng̃ damó, at hindî silá tumitiguil hanggáng sa macalabás sa gubat, na nang̃amúmutlâ, humihing̃al ang ibá, ang iba'y umíiyac, at cácauntî ang nang̃agtátawa.
XI.
ANG MANG̃A MACAPANGYARIHAN
Mang̃aghati-hati cayó at cayó'y mang̃aghari.—(Bagong Machiavelo)[184]
¿Sinosino bagá ang mg̃a nacapangyayari sa bayan?
Cailán ma'y hindî nacapangyari si Don Rafael ng̃ nabubuhay pa siyá, bagá man siyá ang lalong mayaman doon, malakí ang lúpá at hálos may útang na loob sa canyá ang lahát. Palibhasa'y mahinhíng loob at pinagsisicapang huwág bigyáng cabuluhán ang lahát ng̃ canyáng mg̃a guinágawà, hindî nagtatag sa báyan ng̃ canyáng partido [185], at nakita na natin cung paano ang mg̃a paglaban sa canyá ng̃ makita nilang masamâ ang canyáng calagayan.—¿Si Capitang Tiago caya?—Totoo't cung siyá'y dumárating ay sinasalubong siyá ng̃ orquesta ng̃ mg̃a nagcacautang sa canyá, hináhandugan siyá ng̃ piguíng at binúbusog siyá sa mg̃a álay.Inilalatag sa canyáng mesa ang lalong magagalíng na búng̃ang cáhoy; cung nang̃acacahuli sa pang̃áng̃aso ng̃ isáng usá ó baboy-ramó'y sa canyá ang icapat na bahagui; cung nababatì niyá ang cainaman ng̃ cabayo ng̃ isáng sa canyá'y may utang, pagdatíng ng̃ calahating horas ay sumásacanyang cuadra[186] na: ang lahát ng̃ itó'y catotohanan; ng̃uni't siyá'y pinagtátawanan at tinatawag siyá sa lihim na Sacristan Tiago.
¿Ang gobernadorcillo bagá cayâ?
Itó'y isáng cúlang palad na hindî nag-uutos, siyá ang sumúsunod; hindî nacapagmúmura canino man, siyá ang minumura; hindî nagágawa niyá ang maibigan, guinágawâ sa canyá ang calooban ng̃ ibá; ang capalít nitó'y nanánagot siyá sa Alcalde mayor ng̃ lahát ng̃ sa canyá'y ipinag-utos, ipinagawâ at ipinatatag sa canyá ng̃ mg̃a ibá, na para manding nanggaling sa bung̃ô ng̃ canyáng úlo ang lahát ng̃ iyon; ng̃uni't dápat sabihin, sa icapupuri niyá, na ang catungculang canyáng háwac ay hindî niyá ninacaw ó kinamcám: upang tamuhi'y nagcagugol siyá ng̃ limáng libong piso, at maraming cadustâan, ng̃uni't sa napapakinabang niyá'y canyáng inaacalang murangmura ang mg̃a gugol na iyón.
¿Cung gayo'y bacâ cayâ ang Dios?
¡Ah!hindî nacatitigatig ang mabait na Dios ng̃ mg̃a conciencia at ng̃ pagcacatulog ng̃ mg̃a mámamayan doon: hindî nacapang̃ing̃ilabot man lamang sa canila; at sacali't másalitâ sa canilá ang Dios sa alin mang sermón, waláng sálang naiisip niláng casabáy ang pagbubuntóng hining̃á: ¡Cung íisa sana ang Dios!...Bahagyâ na nilá nagugunitâ ang Dios: lalong malakí pa ng̃a ang capagurang sa canila'y ibiníbigay ng̃ mg̃a santo at mg̃a santa.Nápapalagay ang Dios sa mg̃a táong iyóng tulad diyán sa mg̃a haring naglálagay sa canyáng paliguid ng̃ mg̃a tinatang̃i sa pagmamahal na mg̃a lalaki't babae: ang sinusuyò lamang ng̃ baya'y itóng canilang mg̃a tinatang̃ì.
May pagcawang̃is ang San Diego sa Roma; ng̃uni't hindî sa Roma ng̃ panahóng guinuguhitan ng̃ araro ng̃ cuhilang si Rómulo[187] ang canyáng mg̃a cútà; hindî rin sa Romang nacapaglalagdâ ng̃ mg̃a cautusan sa sandaigdíg sa palilígò sa sarili't sa mg̃a ibáng dugô, hindî: wang̃is ang San Diego sa casalucuyang Roma, at ang bilang caibhán lamang ay hindî mg̃a monumentong mármol at mg̃a coliseo ang naroon, cung dî sawaling monumento at sabung̃áng pawid. Ang pinaca-papa sa Vaticano'y[188] ang cura; ang pinaca hárì sa Italiang na sa Quirinal[189] ay ang alférez ng̃ Guardia Civil; datapowa't dapat unawâing ibabagay na lahát sa sawálì at sa sabung̃áng pawid. At dito'y gaya rin doong palibhasa'y ibig macapangyari ang isá't isá, nang̃agpapalagayang ang isá sa canila'y labis (sa macatuwid ay dapat mawalâ ang isá sa canila), at dito nanggagaling ang wálang licát na samaan ng̃ loob. Ipaliliwanag namin ang aming sabi, at sásaysayín namin ang caugalìa't budhî ng̃ cura at ng̃ alférez.
Si Fr.Bernardo Salví ay yaong batà at hindî makibuing franciscanong sinaysay na namin sa unahán nitó.Natatang̃ì siya, dahil sa canyáng mg̃a ásal at kílos sa canyáng mg̃a capowâ fraile, at lálonglálò na sa napacabalasic na si párí Dámasong canyáng hinalinhán. Siyá'y payát, masasactín, halos laguì na lamang nag-íisip, mahigpít sa pagtupád ng̃ canyáng mg̃a catungculan sa religión, at mapag-ing̃at sa carilagán ng̃ canyáng pang̃alan.May isáng buwan lamang na nacararating siyá roón, halos ang lahát ay nakicapatid na sa V.O.T.[190], bagày na totoong ipinamamangláw ng̃ canyáng capang̃agáw na cofradía ng̃ Santísimo Rosario.Lumúlucso ang cálolowa sa catuwâan pagcakita ng̃ nacasabit sa bawa't liig na apat ó limáng mg̃a escapulario, at sa bawa't bayawáng ay isáng cordóng may mg̃a buhól, at niyóng mg̃a procesión ng̃ mg̃a bangcáy ó mg̃a fantasma[191] na may mg̃a hábitong guinggón. Nacatipon ang sacristán mayor ng̃ isáng mabutíbutí ng̃ puhunan, sa pagbibilí ó sa pagpapalimós, sa pagca't ganitó ang marapat na pagsasalitâ, ng̃ mg̃a casangcapang kinakailang̃an upáng mailigtás ang cálolowa at mabáca ang diablo: talastás ng̃ ang espíritung itó, na ng̃ una'y nang̃áng̃ahas na sumalansáng ng̃ pamukhâan sa Dios, at nag-aalinlang̃an sa pananampalataya sa mg̃a wicà nitó, ayon sa sabi sa librong santo ni Job, na nagpailangláng sa aláng-álang sa ating Pang̃inoong Jesucristo, na gaya ng̃ guinawâ namán ng̃ Edad Media[192] sa mg̃a bruja[193], at nananatili, ang sabihan, hanggá ng̃ayón sa paggawa ng̃ gayón din sa mg̃a asuang[194] sa Filipinas; datapowa't tila mandín ng̃ayón ay naguíng mahihiyâing totoo na, hanggáng sa hindî macatagál sa pagting̃ín sa capirasong damít na kinalalarawanan ng̃ dalawáng brazo, at natatacot sa mg̃a buhól ng̃ isáng cordón: ng̃uni't dito'y waláng napagkikilala cung dî sumusulong namán ang dunong sa panig na itó, at ang diablo'y aayaw sa pagsúlong, ó cung dilî caya'y hindî malulugdín sa pagbabagong asal, tulad sa lahát ng̃ namamahay sa mg̃a cadiliman, sacasacali't hindî ibig na sapantahain nating tagláy niyá ang mg̃a cahinàan ng̃ loob ng̃ isáng dalagang lálabing-limáng taón lamang.
Alinsunod sa aming sinabi, si párì Salví'y totoong masigasig gumanap ng̃ canyáng mg̃a catungculan; napacasigasig namán, ang sabi ng̃ alfèrez,—Samantalang nagsesermon—totoong siya'y maibiguíng magsermon—pinasasarhan niyá, ang mg̃a pintuan ng̃ simbahan.Sa ganitóng gawá'y natutulad siyá cay Nerón[195] na ayaw magpaalis canino man, samantalang cumacanta sa teatro: ng̃uni't guinagawa iyón ni Nerón sa icágagaling, datapuwa't guinágawà ang mg̃a bagay na iyón ng̃ cura sa icasasamâ ng̃ mg̃a calolowa. Ang lahát ng̃ caculang̃án ng̃ canyáng mg̃a nasásacop, ang cadalasa'y pinarurusahan ng̃ mg̃a "multa"; sa pagcá't bihírang bihirang namamalò siyá,; sa bagay na ito'y náiiba siyáng lubhâ cay pári Dámaso, na pinaghuhusay ang lahát sa pamamag-itan ng̃ mg̃a panununtóc at panghahampás ng̃ bastong nagtátawa pa at taglay ang magandáng hang̃ád. Sa bagay na itó'y hindî siya mapaghihinanactán: lubós ang canyáng paniniwalang sa pamamálò lamang pinakikipanayaman ang "indio"; ganitó ang salitâ ng̃ isáng fraileng marunong sumulat ng̃ mg̃a libro, at canyáng sinasampalatayanan, sa pagcá't hindî niyá, tinututulan ang anó mang nálilimbag: sa hindî pagcámasuwayíng ito'y macaráraing ang maraming tao.
Bihírang bihírang namamalo si Fr.Salví, ng̃uni't gaya na ng̃a ng̃ sabi ng̃ isáng sa baya'y matandáng filosofo[196], na ang naguiguing caculang̃án sa bílang ay pinasasaganà namán sa tindí; datapuwa't hindî rín namán siyá mapaghihinanactan tungcól sa ganitóng gawâ.Nacapang̃íng̃ilis ng̃ canyáng mg̃a ugát ang canyáng mg̃a pag-aayuno[197] at pang̃ing̃ilin ng̃ pagcain ng̃ mg̃a lamáng-cáti na siyáng ikinapaguíguing dukhâ ng̃ canyáng dugô, at, ayon sa sabihan ng̃ táo, pumápanhic daw ang hang̃ín sa canyáng úlo.
Ang alférez, na gaya na ng̃a ng̃ sinabi namin, ang tang̃ing caaway ng̃ capangyarihang ito sa cálolowa, na may pacay na macapangyari namán sa catawán.Siyá lamang ang tang̃ì, sa pagca't sinasabi ng̃ mg̃a babae na tumatacas daw sa cura ang diablo, dahiláng sa ng̃ minsang nang̃ahás ang diablo na tucsuhín ang cura, siyá'y hinuli nitó, iguinapos sa paa ng̃ catre at sacá pinálò ng̃ cordón, at cayâ lamang siyá inalpasán ay ng̃ macaraan na ang siyám na araw.
Yaya mang gayó'y ang táong pagcatapos ng̃ ganitóng nangyari, makipagcagalít pa sa cay párì Salvî ay maipapalagay na masamâ pa sa mg̃a abáng diablong hindî marunong mag-ing̃at, cayâ ng̃a't marapat na magcaroon ng̃ gayóng capalaran ang alférez.Doña Consolación cung tawaguin ang canyáng guinoong asawa, na isáng matandáng filipina, na nagpapahid ng̃ maraming mg̃a "colorete"[198] at mg̃a pintura; ibá ang ipinang̃ang̃alan sa canyá ng̃ canyáng esposo at ng̃ ibá pang mg̃a táo. Nanghihigantí sa sariling catawán ang alférez, sa canyáng pagcawaláng palad sa matrimonio, na nagpapacalasíng hanggang sa dî macamalay-táo; pinag-"eejercicio"[199] ang canyáng mg̃a sundalo sa arawan at siyá'y sumisilong sa lílim, ó cung dilî cayâ, at itó'y siyáng lalong madalás, pinapagpag niyá ng̃ pálò ang licód ng̃ canyáng asawa, na cung dî man isáng "cordero" (tupa) ng̃ Dios na umáalis ng̃ casalanan nino man, datapuwa't nagagamit namán sa pagbabawas sa canyá ng̃ maraming mg̃a cahirapan sa Purgatorio, sacali't siyá'y máparoon, bagay na pinag-aalinlang̃anan ng̃ mapamintacasing mg̃a babae. Nang̃aghahampasang magalíng ang alférez at si Doña Consolacióng parang nang̃agbíbiruan lamang, at nag-aalay siláng waláng bayad sa mg̃a capit-bahay ng̃ mg̃a pánoorin: "concierto vocal" at "instrumental"[200] ng̃ apat na camáy, mahinà, malacás, na may "pedal"[201] at lahát.
Cailán mang dumárating sa taing̃a ni párì Salví ang mg̃a escándalong[202] itó, siyá'y ng̃umíng̃itî at nagcucruz at nagdárasal pagcatapos ng̃ isáng Amá namin; cung tinatawag siyáng "carca"[203], mapagbanalbanalan, "carlistón"[204], masakím, ng̃umíng̃itî rin si párì Salvì at lalong nagdárasal.Cailán ma'y ipinagbibigay alám ng̃ alférez sa íilang castilang sa canyá'y dumadalaw ang sumusunod na casabihán:
—¿Paparoon bâ cayó sa convento upang dalawin ang "curita"[205] "Mosca, muerta[206]?¡Mag-ing̃at cayó!Sacali't anyayahan cayóng uminóm ng̃ chocolate, ¡bagay na aking pinag-aalinlang̃anan!..ng̃uni't gayón man, cung cayó'y aanyayahan, cayó'y magmasíd.¿Tinawag ang alila't sinabing: "Fulanito, gumawâ ca ng̃ isáng "jícarang"[207] chocolate; ¿eh?" —Cung gayó'y mátira cayóng waláng anó mang agam-agam; ng̃uni't cung sabihing: "gumawâ ca ng̃ isáng "jícarang" chocolate, ¿"ah"?" —Pagcâ gayó'y damputin ninyó ang inyóng sombrero at yumao cayóng patacbó.
—¿Bakit?—ang tanóng ng̃ causap na nagugulat—¿nanglalason pô bâ sa pamamag-itan ng̃ chocolate?¡Carambas[208]!
—¡Abá, hindî namán nápacagayón!
—¡At paano, cung gayón?
—Pagca chocolate ¿eh?ang cahuluga'y malapot, at malabnáw pagca chocolate ¿ah?[209]
Ng̃uni't inaacalà naming ito'y bintáng lamang ng̃ alferez; sapagcá't ang casabiháng ito'y cabalitàang guinagawà rin daw ng̃ maraming mg̃a cura.Ayawán lamang cung ito'y talagáng ugalì na ng̃ boong capisanan ng̃ mg̃a fraile ...
Upang pahirapan ang cura, ipinagbabawal ng̃ militar, sa udyóc ng̃ canyáng asawa, na sino ma'y huwag macagalà pagcatugtóg ng̃ icasiyam na horas ng̃ gabi. Sinasabi ni Doña Consolacióng dî umano'y canyang nakita ang cura, na nacabarong pinya at nacasalacót ng̃ nítò't ng̃ huwag siyang makilala, na naglíbot na malalim na ang gabí. Nanghíhiganti naman ng̃ boong cabanalan si Fr. Salví: pagcakita niyang pumapasoc sa simbahan ang alférez, lihim na nag-uutos sa sacristang isará ang lahát ng̃ mg̃a pintò, at nagpapasimulâ ng̃ pagsesermón hanggáng sa mápikit ang mg̃a matá ng̃ mg̃a santo at ibulóng sa canyá ng̃ calapating cahoy na na sa tapát ng̃ canyáng úlo, ang larawán bagá ng̃ Espíritung Dios, na ¡siyá na, alang-alang!Hindî dahil dito'y nagbabagong ugáli ang alférez, na gaya rin ng̃ lahát ng̃ hindî marurunong magbalíc-lóob: lumálabas sa simbahang nagtútung̃ayáw, at pagcásumpong sa isáng sacristan ó alilà ng̃ cura'y pinipiit, binúbugbog at pinapagpupunas ng̃ sahíg ng̃ cuartel at ng̃ bahay niyáng sarili, na pagcâ nagcacagayo'y lumilinis.Pagbabayad ng̃ sacristan ng̃ multang ipinarurusa ng̃ cura, dahil sa hindî niyá pagsipót, canyáng ipinauunáwâ, ang cadahilanan.Diníring̃ig siyáng waláng kibô ni Fr.Salví, iliníligpit ang salapî, at ang únang guinágawa'y pinawáwal-an ang canyáng mg̃a cambíng at mg̃a túpa at ng̃ doon silá mang̃inain sa halamanan ng̃ alférez, samantalang humahanap siyá ng̃ isáng bagong palatuntunan sa isáng sermóng lalong mahabâ at nacapagpapabanal.Datapuwa't hindî naguiguing hadláng ang lahát ng̃ itó, upang pagcatapos ay mang̃agcamá'y at magsalitaan ng̃ boong cahinusayan, cung silá'y magkita.
Pagcâ, itinutulog ng̃ canyang asawa ang calasing̃án ó humíhilic cung tanghalì, hindî maaway ni Doña Consolación ang alférez, pagcacágayo'y lumálagay sa bintanà't humíhitit ng̃ tabaco at nacabarong franelang azul.Palibhasa'y kinasúsusutan niyá ang cabataan, mulâ sa canyáng kinálalagya'y namamanà, siyá ng̃ canyáng mg̃a matá, sa mg̃a dalaga, at silá'y canyáng pinípintasan.Ang mg̃a dalagang itóng sa canyá'y nang̃atatacot, dumaraang kimingkimî, na dî man lamang maitungháy ang mg̃a matá, nang̃agdudumalî ng̃ paglacad at pinipiguil ang paghing̃á.May isáng cabanalan si Doña Consolación: tila mandin hindî siyá nananalamin cailán man.
Ito ang mg̃a macapangyarihan sa bayang San Diego.
XII.
ANG LAHAT NANG MANGA SANTO[210]
Marahil ang bugtóng na bagay na hindî matututulang ikinatatang̃ì ng̃ táo sa mg̃a háyop ay ang paggalang na iniháhandog sa mg̃a namamatay.
Sinásaysay ng̃ mg̃a historiador[211] na sinasamba at dinídios nilá ang caniláng mg̃a núnò at magugulang; ng̃ayó'y tumbalíc ang nangyayari: ang mg̃a patáy ang nagcacailang̃ang mamintuhô sa mg̃a buháy. Sinasabi rin namáng iniing̃atan ng̃ mg̃a taga Nueva Guinea sa mg̃a caja ang mg̃a but-ó ng̃ caniláng mg̃a patáy at nakikipagsalitaan sa canilá; sa pinacamarami sa mg̃a bayan ng̃ Asia, Africa at América'y hinahayinan ang caniláng mg̃a patáy ng̃ lalong masasaráp niláng mg̃a pagcain, ó ang mg̃a pagcaing minámasarap ng̃ mg̃a patáy ng̃ panahóng silá'y nabubuhay, at nang̃agpípiguing at inaacalà niláng dumádalo sa mg̃a piguíng na itó ang mg̃a patáy. Ipinagtátayô ng̃ mg̃a taga Egipto ng̃ mg̃a palacio ang mg̃a patáy, ang mg̃a musulmán nama'y ipinagpápagawâ, silá ng̃ maliliit na mg̃a capilla, at ibá pa; datapowa't ang bayang maestro sa bagay na itó, at siyáng lalong magalíng ang pagcakilala sa púsò ng̃ tao'y ang bayan ng̃ Dahomey[212]Natátalastas ng̃ mg̃a maiitím na itó, na ang táo'y mapanghigantí, at sa pagca't gayó'y sinasabi niláng upang mabigyang catowâan ang namatáy, walâ ng̃ lalong magalíng cung dî ang patayín sa ibabaw ng̃ pinaglibing̃an sa canyá ang lahát ng̃ canyáng mg̃a caaway; at sa pagcá't ang táo'y malulugdíng macaalam ng̃ mg̃a bagay-bagay, sa taón-tao'y pinadadalhán siyá ng̃ isáng "correo" sa pamamag-itan ng̃ linapláp na balát ng̃ isáng alipin.
Tayo'y náiiba sa lahát ng̃ iyán.Bagá man sa nababasa sa mg̃a sulat na nauukit sa mg̃a pinaglibing̃an, halos walâ sino mang naniniwalang nagpapahing̃alay ang mg̃a patáy, at lalò ng̃ hindî pinaniniwalâang sumasapayápà.Ang lalong pinacamagalíng mag-ísip ay nang̃ag-aacalang sinásanag pa ang caniláng mg̃a núnò sa túhod sa Purgatorio, at cung di siyá mápacasamâ (mapasainfierno bagá), masasamahan pa niyá, silá roon sa mahábang panahón.At ang sino mang ibig tumutol sa amin, dalawin niyá ang mg̃a simbahan at ang mg̃a libing̃an sa boong maghapong itó, magmasíd at makikita.Datapowa't yamang tayo'y na sa bayan ng̃ San Diego, dalawin natin ang libing̃an dito.
Sa dacong calunuran, sa guitnâ ng̃ mg̃a palaya'y nároroon, hindî ang ciudad, cung dî ang nayon ng̃ mg̃a patáy: ang daan ng̃ pagparoo'y isáng makitid na landás, maalabóc cung panahóng tag-ínit, at mapamámangcàan cung panahóng tag-ulán.Isáng pintûang cahoy, at isáng bácod na ang calahati'y bató at ang calahati'y cawayan ang tila mandin siyáng ikináhihiwalay ng̃ libing̃ang iyón sa bayan ng̃ mg̃a buháy; datapowa't hindî nahihiwalay sa mg̃a cambíng ng̃ cura, at sa iláng baboy ng̃ mg̃a calapít báhay, na pumapasoc at lumálabas doon upang mang̃agsiyasat sa mg̃a libing̃an ó mang̃agcatowâ sa gayóng pag-iisá.
Sa guitnâ ng̃ malúang na bacurang iyón may nacatayóng isáng malaking cruz na cahoy na natitiric sa patung̃ang bató.Inihapay ng̃ unós ang canyáng INRI na hoja de lata, at kinatcát ng̃ ulán ang mg̃a letra.Sa paanan ng̃ cruz, túlad sa túnay na Gólgota[213], samasamang nábubunton ang mg̃a bung̃ô ng̃ úlo at mg̃a but-ó, na ang waláng malasakit na maglilíbing ay itinatapon doon ang canyáng mg̃a nahuhucay sa mg̃a libing̃an. Diyá'y mang̃aghíhintay silá, ang lalong malapit mangyari, hindî ng̃ pagcabúhay na mag-ulî ng̃ mg̃a patáy, cung dî ang pagdatíng doon ng̃ mg̃a háyop at ng̃ silá'y painitin ng̃ caniláng mg̃a tubíg at linisin ang caniláng malalamig na mg̃a cahubdán. —Námamasdan sa paliguidliguid ang mg̃a bagong hûcay: sa dáco rito'y hupyác ang lúpà, sa dáco roo'y anyóng bundúc-bunducan namán. Sumísibol doo't lumálagô ng̃ máinam ang tarambulo't pandacákì; ang tarumbulo'y ng̃ tundûin ang mg̃a bintî ng̃ canyáng matitiníc na mg̃a búng̃a, at ng̃ dagdág namán ng̃ pandacakì ang canyáng amóy sa amóy ng̃ libing̃an, sacali't itó'y waláng casucatáng amoy.Gayón ma'y nasasabúgan ang lúpà ng̃ iláng maliit na mg̃a bulaclac, na gaya rin namán ng̃ mg̃a bung̃óng iyóng ang Lumikhâ lamang sa canilá ang nacacakilala na: ang ng̃itî ng̃ mg̃a bulaclác na iyó'y maputlâ at ang halimúyac nilá'y ang halimúyac ng̃ mg̃a baunan.Ang damó at ang mg̃a gumagapang na damó'y tumátakip sa mg̃a súloc, umuucyabit sa mg̃a pader at sa mg̃a "nicho"[214], na anó pa't dináramtan at pinagáganda ang hubád na capang̃ítan; cung minsa'y pumapasoc sa mg̃a gahác na gawà ng̃ mg̃a lindól, at inililihim sa mg̃a nanonood ang mg̃a cagalanggalang na mg̃a libing̃ang waláng lamán.
Sa horas ng̃ pagpasoc namin ay binúgaw ang mg̃a hayop; ang mang̃isang̃isang baboy lamang, hayop na mahirap papaniwalâin, ang siyáng sumisilip ng̃ canyáng maliliit na mg̃a matá, isinusung̃aw ang úlo sa isáng malakíng gúang ng̃ bacod, itinataás ang ng̃usò sa háng̃in at wari'y sinasabi sa isáng babaeng nagdárasal:
—Howág mo namáng cacanin lahát, tirhán mo acó nang cauntî, ¿ha?
May dalawáng lalaking humuhucay ng̃ isáng baunan sa malapit sa pader na nagbabalang gumúhò: ang isá, na siyáng maglilíbing ay waláng cabahábahálà; iniwawacsi ang mg̃a gulogód at ang mg̃a butó, na gaya na pag-aabsáng ng̃ isáng maghahalamán ng̃ mg̃a bató at mg̃a sang̃áng tuyô; ang isá'y nang̃áng̃aning̃aní, nagpapawis, humíhitit at lumúlurâ mayá't mayâ.
—¡Pakinggán mo!—anang humíhitit, sa wícang tagalog.—¿Hindî cayâ magalíng na catá'y humúcay sa ibang lugar?Ito'y bagóng bágo.
—Pawang bágo ang lahát ng̃ libíng.
—Hindî na acó macatagál.Ang but-óng iyáng iyóng pinutol ay dumúrugò pa ...¡hm!¿at ang mg̃a buhóc na iyán?
—¡Nacú, napacamaselang ca naman!—ang ipinagwícà sa canyá ng̃ isá—¡Ang icaw ma'y escribiente sa Tribunal!Cung humúcay ca sanang gáya co ng̃ isáng bangcáy na dadalawampong araw pa, sa gabí, ng̃itng̃it ng̃ dilím, umúulan ...namatáy ang farol cong dalá....
Kinilabutan ang casama.
—Naalís ang pagcapacò ng̃ cabaong, umaaling̃ásaw ...at mapilitan cang pasanín mo ang cabaong na iyón, at umúulan at camíng dalawá'y cápuwà basâ at....
—¡Kjr!....At ¿bákit mo hinúcay?...!
Tiningnan siyá ng̃ maglilíbing ng̃ boong pagtatacá.
—¿Bákit?...¿nalalaman co bâ?¡Ipinag-útos sa áking hucáyin co!
—¿Sino ang nag-útos sa iyó?
Napaurong ng̃ cauntî ang maglilíbing at pinagmasdán ang canyáng casama, mulâ sa páa hangáng úlo.
—¡Abá!¡tila ca namán castilà!ang mg̃a tanóng díng iyán ang siyáng guinawâ sa akin pagcatapos ng̃ isáng castilà, datapuwa't sa lihim.Ng̃ayó'y sásagutín catá, ng̃ gaya ng̃ pagcásagot co sa castilà: ipinag-útos sa akin ng̃ curang malakí.
—¡Ah!at ¿anó ang guinawâ mo sa bangcáy pagcatápos?—ang ipinagpatúloy na pagtatanóng ng̃ maselang.
—¡Diablo!cung dî co lamang icáw nakikilala at natatalastas cung icáw ay "lalaki", sasabihin cung icáw ay túnay ng̃ang castilang civil: cung magtanóng ca'y túlad din sa canyá.Gayón ...ipinag-utos sa akin ng̃ curang malakíng siyá'y ilibíng co sa libing̃an ng̃ mg̃a insíc, ng̃uni't sa pagcá't totoong mabigát ang cabaong at maláyò ang libing̃an ng̃ mg̃a insíc....
—¡Ayaw!¡ayaw!¡ayaw co ng̃ humúcay!—ang isinalabat ng̃ causap na lipós ng̃ pang̃ing̃ilabot, na binitiwan ang pála at umahon sa húcay;—akíng nábaac ang bá-o ng̃ isáng úlo at nang̃ang̃anib acóng bacâ hindî acó patuluguín sa gabíng itó.
Humalakhác ang maglilíbing ng̃ canyáng makitang samantalang umaalis ay nagcucruz.
Unti-unting napúpunô ang libing̃an ng̃ mg̃a lalaki't mg̃a babáeng páwang nang̃acalucsâ.Ang ibá'y nang̃agháhanap na maluat ng̃ baunan; silá-silá'y nang̃agtatatalo, at sa pagca't hindî mandín silá mang̃agcasundò, silá'y nang̃aghíhiwalay at bawa't isá'y lumúluhod cung saán lalong minamagaling niyá,; ang mg̃a ibá, na may mg̃a "nicho" ang caniláng mg̃a camag-anac, nang̃agsísindi ng̃ malalakíng candilà at nang̃agdárasal ng̃ taimtím; naririnig din namán ang mg̃a buntóng hining̃á at mg̃a hagulhól, na pinacalalabis ó pinipiguil.Naríring̃ig na ang aling̃awng̃aw ng̃ "orápreo, orápresis" at "requiemeternams."
Násoc na nacapugay ang isáng matandáng lalaki.Marami ang nang̃agtawá pagcakita sa canyá, ikinunót ang mg̃a kílay ng̃ iláng mg̃a babae.Tila mandín hindî pinúpuna ng̃ matandáng lalaki ang gayóng mg̃a ipinakikita sa canyá, sa pagcá't napatung̃o siyá sa buntón ng̃ mg̃a bung̃ô ng̃ úlo, lumuhód at may hinanap sa loob ng̃ iláng sandalî sa mg̃a but-ó; pagcatapos ay maing̃at na inisaisáng ibinucód ang mg̃a bung̃ô ng̃ úlo, at sa pagca't hindî mandín makita niyá ang canyáng hinahanap, umilíng, lumíng̃ap sa magcabicabilà at nagtanóng sa maglilíbing.
—¡Oy!—ang sinabi sa canyá.
Tumungháy ang maglilíbing.
—¿Nalalaman mo bâ cung saan naroon ang isáng magandáng bungô ng̃ úlo, maputíng tulad sa lamán ng̃ niyóg, waláng caculangculang ang mg̃a ng̃ípin, na inalagáy co sa paanán ng̃ cruz, sa ilalim ng̃ mg̃a dahong iyón?
Ikinibít ng̃ maglilibing ang canyáng mg̃a balícat.
—¡Masdán mo!—ang idinugtóng ng̃ matandâ, at ipinakita sa canyá, ang isáng pílac na salapî,—walâ aco cung hindî itó, ng̃uni't ibíbigay co sa iyó cung makita mo ang bung̃óng iyón.
Pinapagdilidili siyá, ng̃ ningníng ng̃ salapî, tinanáw ang buntunan ng̃ mg̃a, butó, at nagsalitâ:
—¿Walâ bâ roon?Cung gayó'y hindî co nalalaman.Ng̃uni't cung ibig ninyó'y bíbigyan co pô cayó ng̃ ibá.
—¡Catulad ca ng̃ baunang iyóng hinuhucay!—ang winíca sa canyá ng̃ matandáng lalaking nang̃íng̃inig ang voces;—hindî mo nalalaman ang halagá ng̃ nawawalâ sa iyo.¿Sino ang ililibing sa húcay na iyán?
—¿Nalalaman co bâ cung sino?Isáng patáy ang ilílibing diyan!—ang sagót na nayáyamot ng̃ maglilibing.
—¡Tulad sa baunan!¡tulad sa baunan!—ang inulit ng̃ matandáng lalaking nagtátawa ng̃ malungcot;—hindî mo nalalaman ang iyong hinuhucay at ang iyong nilalamon!¡Húcay!¡húcay!
Samantala'y natapos ng̃ maglilíbing ang canyáng gawâ; dalawáng nacatimbóng lupang basâ at mapulápulá ang na sa magcabilang tabí ng̃ húcay.Cumúha sa canyáng salacót ng̃ hichó, ng̃umang̃à at pinagmasídmasíd na may anyóng tang̃á ang mg̃a nangyayari sa canyáng paliguid.
XIII.
MGA PAUNANG TANDA NANG UNOS
Nang sandalíng lumálabas ang matandáng lalaki, siyá namáng pagtiguil sa pasimulâ ng̃ bagtás ó landás ng̃ isáng cocheng tila mandín maláyò ang pinanggaling̃an, punóngpunô ng̃ alabóc at nagpapawis ang mg̃a cabayo.
Umibís si Ibarra sa cocheng casunód ng̃ isáng alílang matandáng lalaki; pinaalis ang coche sa isáng galáw lamang ng̃ úlo at napatung̃o sa libing̃ang waláng kibò at malungcót.
—¡Hindî itinulot ng̃ aking sakít at ng̃ aking mg̃a pinang̃ang̃asiwâang acó'y macabalíc dito!—ang sinasabi ng̃ matandáng lalaki ng̃ boong cakimîan;—sinabi ni Capitang Tiagong siyá na ang bahalang magpatayô ng̃ isáng "nicho"; datapuwa't tinanimán co ng̃ mg̃a bulaclác at isáng cruz na acó ang gumawâ....
Hindî sumagót sí Ibarra.
—¡Diyan pô sa licód ng̃ malakíng cruz na iyán—ang ipinagpatuloy ng̃ alilà, na itinuturò ang isáng súloc ng̃ silá'y macapasoc na sa pintûan.
Lubháng natitigagal ng̃â ang caisipán ni Ibarra, cayá't hindî niyá nahiwatigan ang pagtatacá ng̃ iláng táo ng̃ siyá'y caniláng makilala, na tumiguil sa caniláng pagdarasál at sinundán siyá ng̃ ting̃ín, sa lakí ng̃ pangguiguilalas.
Nag-iing̃at ang binatà ng̃ paglacad, pinang̃ing̃ilagan niyáng dumaan sa ibabaw ng̃ mg̃a pinaglibing̃an, na madalíng nakikilala sa cahupyacán ng̃ lúpà.Tinatapacan niyá ng̃ una, ng̃ayó'y iguinagalang niyá; gayón din ang pagcacálibing sa canyang amá.Humintô siyá pagdatíng sa cabiláng daco ng̃ cruz at tuming̃ín sa palibotlibot.Námanghâ at napatigagal ang canyáng casama; hinahanap niyá ang bacás sa lúpa ay walâ siyáng makitang cruz saan man.
—¿Dito cayâ?—ang ibinúbulong;—hindî doon; ng̃uni't hinúcay ang lúpà.
Tinitingnan siyá ni Ibarra, na totoong masamâ ang lóob.
—¡Siyá ng̃â! —ang ipinagpatuloy,—natátandaang cong may isáng bató sa tabí; may caiclîan ang húcay niyao'y may sakít ang maglilibing, cayá't isáng casamá ang siyáng napilitang humúcay datapuwa't itátanong natín sa canyá cung anó ang guinawâ sa cruz.
Pinatung̃uhan nilá ang maglilibíng, na nagmámasid sa canilá ng̃ boong pagtatacá.
Yumucód itó sa canilá, pagcapugay ng̃ canyáng salacót.
—Maipakikisabi pô bâ ninyó sa amin cung alín ang húcay na doó'y dating may isáng cruz?—ang tanong ng̃ alílà.
Tiningnan ng̃ tinatanong ang lugar at nag-isíp ísip.
—¿Isáng cruz bang malakí?
—¿Opò, malakí,—ang pinapagtibay na sagót ng̃ matandáng lalaki ng̃ boong catuwâan, at tinitingnan niyá ng̃ macahulugán si Ibarra, at sumayá namán ang mukhâ nitó!
—¿Isáng cruz na may labor at may taling oway?
—¡Siyá ng̃â!¡siyá ng̃â!¡iyán ng̃â!¡iyán ng̃â!—at iguinuhit ng̃ alilà sa lupà ang isáng anyóng cruz bizantina[215]
—¿At may taním na mg̃a bulaclác sa húcay?
—¡Mg̃a adelfa, mg̃a sampaga at mg̃a pensamiento!¡iyán ng̃â!—ang idinugtóng na malakí ang towâ, at inalayan niyá ng̃ isáng tabaco ang maglilíbing.
—Sabihin ng̃a ninyó sa amin cung alín ang húcay at cung saán naroon ang cruz.
Kinamot ng̃ maglilíbing ang taing̃a't sumagót na naghíhicab:
—¡Abá ang cruz!...¡akin ng̃ sinúnog!
—¿Sinúnog?at ¿bákit ninyó sinúnog?
—Sa pagcá't gayón ang ipinag-útos ng̃ curang malakí.
—¿Síno bâ ang curang malakí?—ang tanóng ni Ibarra.
—¿Síno?Ang nangháhampas, si parì Garrote.
Hinaplós ni Ibarra ang canyáng nóo.
—Datapuwa't ¿masasabi pô bâ ninyó sa amin man lamang ang kinalalagyan ng̃ húcay?Dapat ninyóng matandaan.
Ng̃umitî ang maglilíbing.
—¡Walâ na riyán ang patáy!—ang mulíng isinagót ng̃ boong catahimican.
—¿Anó pô ang sabi ninyó?
—¡Abá! —ang idinugtóng ng̃ táong iyóng ang anyó'y nagbíbirô;—ang naguing capalít niyá'y isáng babaeng inilibíng co roong may isáng linggó na ng̃ayón.
—¿Nauulól pô bâ cayó?—ang itinanong sa canyá ng̃ alílà,—diyata't walâ pa namáng isáng taóng siyá'y aming inilílibing.
—¡Tunay ng̃a iyón!marami ng̃ buwan ang nacaraan mulâ ng̃ siyá'y aking hucayi't cuning ulî sa baunan.Ipinag-utos sa aking siyá'y hucayin co ng̃ curang malakí, upang dalhin sa libing̃an ng̃ mg̃a insíc.Ng̃uni't sa pagká't mabigát at umúulan ng̃ gabíng yaón....
Hindî nacapagpatuloy ng̃ pananalitâ ang táo; umudlót sa pagcáguitlá ng̃ makita ang anyô ni Crisóstomo, na dinaluhóng siyá't sacá siyá tinangnán sa camáy at ipinágwagwagan.
—At guinawâ mo ba?—ang tanóng ng̃ binatang ang anyô ng̃ pananalita'y hindî namin maisaysay.
—Howág po cayóng magalit, guinoo—ang sagót ng̃ maglilíbing na namumutla't nang̃íng̃inig;—hindî co po namán siyá inilíbing sa casamahán ng̃ mg̃a insíc.Mabuti pa ang malúnod cay sa mapasama sa mg̃a insíc—ang wica co—at siyá'y iniabsáng co sa tubig!
Inilagáy ni Ibarra ang canyáng mg̃a camay sa magcabilang balicat ng̃ maglilíbing at mahabang oras na siyá'y tinitigan ng̃ ting̃ing hindî maisaysay cung anóng íbig sabihin.
—¡Icáw ay walâ cung dî isáng culang palad!—ang sinabi, at umalís na dalîdaling tinatahac ang mg̃a butó, mg̃a húcay, mg̃a cruz, na paráng ísang sirâ ang ísip.
Hináhaplos ng̃ maglilíbing ang canyáng bísig at bumúbulong:
—¡Ang guinágawang mg̃a caligaligán ng̃ mg̃a patáy!Binugbóg acó ng̃ bastón ng̃ páring malakí, dahiláng ipinahintulot cong ilibíng ang patáy na iyón ng̃ aco'y may sakít; ng̃ayo'y cauntí ng̃ balîin nitó ang aking bísig, dahil sa pagcahucay co ng̃ bangcáy.¡Itó ng̃a namáng mg̃a castilà!¡Marahil pa'y alisán acó nitó ng̃ aking hánap-búhay!
Matúlin ang lacad ni Ibarra na sa maláyò ang tanáw; sumúsunod sa canyáng umíiyac ang alílang matandáng lalaki.
Lúlubog na lamang ang áraw; macacapál na mg̃a dilím ang siyáng lumalatag sa Casilang̃anan; isáng hang̃ing mainit ang siyáng nagpapagalaw sa dúlo ng̃ mg̃a cáhoy at nagpaparaíng sa mg̃a cawayanan.
Nacapugay na lumalacad si Ibarra; sa canyáng mg̃a matá'y walang bumabalong na isáng lúhà man lamang, waláng tumatacas sa canyáng dibdib cáhi't isáng buntóng hining̃á. Lumalacad na parang may pinagtatanauan, marahil sa pagtacas sa anino ng̃ canyáng amá, ó bacâ namán cayà sa dumádating na unós.Tináhac ang báya't lumabás sa luwál, tinung̃o yaóng lúmang báhay na malaon ng̃ panahông hindî tinutungtung̃an.Naliliguid ang bahay na iyón ng̃ pader na sinísibulan ng̃ mg̃a damóng macacapál ang dahon, tila mandin siyá'y hinuhudyatán; bucás ang mg̃a bintánà; umúugoy ang iláng-ílang at ipinápagaspas ng̃ boong casayahan ang canyáng mg̃a sang̃áng hític ng̃ mg̃a calapati na nagpapaliguidliguid sa matibong na bubóng ng̃ caniláng tahanang na sa guitna ng̃ halamanan.
Ng̃uni't hindî pinápansin ng̃ binatà ang caligayaháng itóng iníháhandog sa canyáng pagbalíc sa lúmang báhay: nacapácò ang canyáng mg̃a matá sa anyô ng̃ isáng sacerdoteng canyáng macacasalubong.Itó'y ang cura sa San Diego, yaong laguing nagdidilidiling franciscano na ating nakita, ang caaway ng̃ alférez.Tiniticlop ng̃ hang̃in ang canyáng malapad na sombrero; ang canyáng hábitong guinggo'y dumirikit sa canyáng catawán at ipinakikita ang anyo nito; na anó pa't námamasid ang canyáng mg̃a payát na hítang may pagcá sacáng.Sa cána'y may háwac na isáng bastóng palasang may tampóc na gáring.Noón lamang nagcakita siláng dalawá ni Ibarra.
Pagsasalubong nilá'y sandalíng humintô ang binata't siyá'y tinitigan; iniiwas ni Fr.Salví ang canyáng mg̃a matá at nagpaconowaríng nalílibang.
Sandalíngsandali lamang tumagál ang pag-aalinlang̃an: malicsíng linapitan siyá ni Ibarra, pinatiguil at idiniín ng̃ boong lacás ng̃ canyáng camáy na ipinatong sa balicat ng̃ párì, at nagsalitáng halos bahagyâ na mawatasan:
—¿Anó ang guinawâ mo sa aking amá?—ang itinanóng.
Si Fr.Salvíng namutlâ, at nang̃atál ng̃ mabasa niyá ang mg̃a damdaming nalalarawan sa mukhâ ng̃ binátà'y hindi nacasagót; nawalán ng̃ diwâ.
—¿Anó ang guinawâ mo sa aking amá?—ang mulíng itinanóng na nalulunod ang voces.
Ang sacerdoteng untîunting nahútoc, dahil sa camáy na sa canyá'y nagdíriin ay nagpumilit at sumagót:
—¡Cayó po'y nagcacamalî; walâ acóng guinagawang anó man sa inyóng amá.
—¿Anóng walâ?—ang ipinagpatuloy ng̃ binátà, at sacâ siyá idiniín hanggáng sa siyá'y mápaluhod.
—¡Hindî pó, sinasabi co sa inyó ang catotohanan!ang aking hinalinhán, si párì Dámaso ang may cagagawán....
—¡Ah!—ang sinabi ng̃ binata't siyá'y binitiwan at bago tumampál sa noo.At iniwan ang abáng si Fr.Salví at dalidáling tinung̃o ang canyáng sariling báhay.
Samantala'y dumatíng ang alilà at tinulung̃an sa pagtindíg ang fraile.
XIV.
ANG ULOL NA SI TASIO Ó ANG FILOSOFO
Naglálacad sa mg̃a lansáng̃ang waláng tinutung̃o't waláng iniisip ang cacaibáng matandáng lalaki.
Nag-aral siyá ng̃ una ng̃ Filosofía, at iníwan niya ang pag-aáral sa pagsunód sa canyáng ináng matandâ na; at hindî niyá ipinagpatuloy ang pag-aaral, hindî sa caculang̃an ng̃ magugugol at hindî rin sa caculang̃an ng̃ cáya ng̃ pag-iísip: tumíguil siyá ng̃ pag-aáral, dahilán ng̃â sa pagcá't mayaman ang canyáng iná, at dahilan sa ayon sa sabiha'y matalas ang canyáng ísip.Natatacot ang mabaít na babaeng maguíng pantás ang canyáng anác at macalimot sa Dios, cayâ ng̃a't siyá'y pinapamilì, sa siyá'y magpárì ó íwan niyá ang colegio ng̃ San José.Nang panahón pa namáng iyó'y siyá'y may naiibigang babae, cayá't pinilì niyá ang íwan ang colegio at nag-asawa siyá.Hindî lumampás ang isáng taón at siyá'y nabáo at naulila; guinawâ niyáng aliwan ang mg̃a libro upang siyá'y macaligtás sa calungcutan, sa sabong at sa pagca waláng guinágawâ.Datapowa't lubháng nawili sa mg̃a pag aaral at sa pamimilí ng̃ mg̃a libro, hanggáng sa mapabayaan niyá ang sariling pamumuhay, cayá't siyá'y unti-unting naghírap.
Tinatawag siyáng Don Anastasio ó filósofo Tasio ng̃ mg̃a táong may pinagaralan, at ang mg̃a masasamâ ang tûrò, na siyáng lalong marami, tinatawag siyáng Tasiong ul-ól, dahil sa hindî caraniwang canyáng mg̃a caisipán at cacaibang pakikipagcapowa-táo.
Ayon sa sinabi na namin, ang hapo'y nagbabalang magca unôs; liniliwanagan ang abó abóng lang̃it ng̃ iláng kidlát; mabigát ang aláng-álang at totoong maalis-ís ang hang̃in.
Wari'y nalimutan na ng̃ filósofo Tasio ang canyáng kinalúlugdang bung̃ô ng̃ ulo; ng̃ayó'y ng̃uming̃iting pinagmámasdan ang maiitim na pang̃anurin.
Sa malapít sa simbaha'y nasalubong niyá ang isáng táong naca chaqueta ng̃ alpaca at daladala sa camáy ang may mahiguít na isáng arrobang candílà at isáng bastóng may borlas, bílang saguísag ng̃ punong may capangyarihan.
—¿Tila po cayo'y natótowâ?—ang tanóng nitó sa wícang tagalog.
—Siya ng̃a pô, guinoong capitan; natótowâ acó sa pagcá't may isá acóng inaasahan.
—¿Ha?¿at alin ang inyóng inaasahang iyán?
—¡Ang unós!
—¡Ang unós!¿Nag-aacálà bâ cayóng maligò?—ang tanóng ng̃ gobernadorcillo ng̃ palibác, na minamasdan ang dukháng pananamít ng̃ matandáng lalaki.
—Malígò acó ...¡hindî masamâ, lalong lalô na pagcâ nacatitisod ng̃ isáng dumi!—ang sagôt ni Tasio, na palibác din namán ang anyô ng̃ pananalita, bagá man may pagca pagpapawaláng halagá sa canyáng causap—ng̃uni't naghíhintay acó ng̃ lálong magalíng.
—¿At anó pô bâ iyón?
—Iláng mg̃a lintíc na pumatáy ng̃ mg̃a táo at sumúnog ng̃ mg̃a báhay.
—¡Hing̃ín na ninyóng paminsanan ang gúnaw!
—¡Nararapat tayong lahát, cayó at acóng gunawin!Dalá pô ninyó riyan, guinoong capitan, ang isáng arrobang candílang gáling sa tindahan ng̃ insíc; may mahiguít ng̃ sampóng taóng aking ipinakikiusap sa bawa't bágong capitang bumíbili ng̃ pararrayos[216], at pinagtatawanan acó ng̃ lahát; gayón ma'y bumibili ng̃ mg̃a "bomba" at mg̃a "cohete", at nang̃agbabayad ng̃ mg̃a repique ng̃ mg̃a campánà.Hindî lamang itó: kinábucasan ng̃ pakikiusap co sa inyó, nagbilin pô cayó sa mg̃a magtutunáw na insíc ng̃ isáng "esquilang" álay cay Santa Bárbara, gayóng nasiyasat na ng̃ carunung̃ang mapang̃anib ang tumugtóg ng̃ mg̃a campanà sa mg̃a araw na may unós.At sabihin pô ninyó sa akin, ¿bakit pô bâ ng̃ taóng 70 ng̃ mahulog ang isáng lintíc sa Binyáng, doon pa namán nahúlog sa campanario at iguinibâ ang relój sacâ isáng altar?¿Anó ang guinagawâ ng̃ esquilita ni Santa Bárbara?
Nang sandalíng iyo'y cumisláp ang isáng kidlát.
—¡Jesús, María y José!¡Santa Bárbarang mahál!—ang ibinulóng ng̃ capitang namutlâ at nagcruz.
Humalakhác si Tasio.
—¡Cayó'y carapatdapat sa pang̃alan ng̃ inyóng pintacasi!—aní Tasio sa wicang castilà, tinalicdán ang capitan at tumúng̃o sa simbahan.
Nagtátayo ang mg̃a sacristan sa loob ng̃ simbahan ng̃ isáng "túmulo"[217] na nalilibot ng̃ mg̃a malalaking candilang natitiric sa mg̃a candelabrong cáhoy. Ang túmulong yao'y dalawáng mesang malalakíng pinagpatong at natátacpan ng̃ damít na maitím, na may mg̃a listóng puti; sa magcabicabila'y may napipintang mg̃a bung̃ô ng̃ úlo.
—¿Iyán ba'y patungcól sa mg̃a cálolowa ó sa mg̃a candilâ?—ang itinanóng.
At ng̃ makita niyá ang dalawáng batang lalaking may sampóng taón ang isá at ang isá'y may malapit sa pitó, lumapit sa caniláng hindî na hinantay ang sagót ng̃ mg̃a sacristán.
—¿Sasama ba cayó sa akin, mg̃a báta?—ang itinanóng sa canilá.May handâ sa inyó ang inyóng nanay na isáng hapunang marapat sa mg̃a cura.
—¡Aayaw po caming paalisin ng̃ sacristan mayor hanggang hindî tumutugtog ang icawalóng horas—ang sagót ng̃ pinacamatandâ.—Hinihintay co pong másing̃il ang aking "sueldo" upang maibigay co sa aking iná.
—¡Ah!at ¿saán bâ cayó paparoon?
—Sa campanario pô upang dumublás sa mg̃a cálolowa.
—¿Pasasacampanario cayó?¡cung gayó'y cayó'y mag-ing̃at!¡howág cayóng lalapit sa mg̃a campanà hanggáng umúunos!
Umalís sa simbahan, pagcatapos na masundán ng̃ isáng titíg na may habág ang dalawáng batang pumapanhic sa mg̃a hagdanang patung̃o sa coro.
Kinuscós ni Tasio ang mg̃a matá, tuming̃ín ulî sa lang̃it at bumulóng: —Ng̃ayó'y dáramdamin cong mahulog ang mg̃a lintíc.
At nacatung̃óng pumaroon sa labás ng̃ báyang nag-iisip-isip.
Dumáan pô muna cayó!—ang sabi sa canyá sa wicang castílà ng̃ isáng matimyás na voces mulâ sa isáng bintanà.
Tumungháy ang filósofo, at canyáng nakita ang isáng lalaking may tatlompô ó tatlompo't limang taóng sa canyá'y ng̃umitî.
—¿Anó pô bâ ang inyóng binabasa riyán?—ang tanóng ni Tasio, na itinuturò ang isáng librong hawac ng̃ lalaki.
—Isáng librong pangcasalucuyan: ¡"Las penas que sufren las benditas ánimas del Purgatorio!"[218]—ang isinagót ng̃ causap na ng̃uming̃itî.
—¡Nacú!¡nacú!¡nacú!—ang wicâ ng̃ matandáng lalaki sa sarisaring "tono" ng̃ voces, samantalang pumapasoc sa báhay;—totoong matalas ang ísip ng̃ cumathâ niyán.
Pagcapanhíc niyá ng̃ hagdanan ay tinanggáp siyá ng̃ boong pakikipag-ibigan ng̃ may báhay na lalaki at ng̃ canyáng asawa.Don Filipo Lino ang pang̃alan ng̃ lalaki at Doña Teodora Viña namán ang babae.Si Don Filipo ang siyáng teniente mayor at siyáng púnò ng̃ isáng "partidong" halos ay "liberal"[219], sacali't matatawag itó ng̃ gayón, at cung sacaling mangyayaring magcaroon ng̃ mg̃a "partido" sa mg̃a bayan ng̃ Filipinas.
—¿Nakita pô ba ninyó sa libing̃an ang anác ng̃ nasirang si Don Rafael na bagong carárating na galing sa Europa?
—Opò, nakita co siyá, ng̃ siyá'y lumúlunsad sa coche.
—Ang sabihana'y naparoo't upang hanapin ang pinaglibing̃án sa canyáng amá ...Marahil cakilakilabot ang canyáng pighatî ng̃ maalaman....
Ikinibít ng̃ filósofo ang canyáng mg̃a balicat[220]
—¿Hindî pô bà dináramdam ninyó ang casaliwâang palad na iyan?—ang tanóng ng̃ guinoong babaeng bátà pa.
—Talastás na pô ninyóng acó'y isá sa anim na nakipaglibing sa bangcáy; acó ang humarap sa Capitan General ng̃ aking makitang ang lahát dito'y hindî umíimic sa gayóng calakilakihang capusung̃án, gayóng cailán ma'y minamagaling co ang paunlacán ang táong mabait cung nabubuhay pa cay sa cung patáy na.
—¿Cung gayó'y bakit?
—Datapuwa't hindî pô acó sang-ayon sa pagmamanamana ng̃ caharîan.Alang-álang sa caunting dugong insíc na bigáy sa akin ng̃ aking iná, sumasang-ayon acó ng̃ cauntî sa caisipan ng̃ mg̃a insíc: pinaúunlacan co ang amá dahil sa anác, ng̃uni't hindî ang anác dahil sa amá.Na ang bawa't isá'y tumanggáp ng̃ gantíng pálà ó ng̃ caparusahán dahil sa canyáng mg̃a gawâ; datapuwa't hindî dahil sa mg̃a gawà ng̃ ibá.
—¿Nagpamisa pô bâ cayó ng̃ patungcol sa inyóng nasírang asawa, alinsunod sa hatol co sa inyó cahápon?—ang itinanóng ng̃ babae nagbago ng̃ pinasasalitaanan:
—¡Hindî!—ang sagót ng̃ matandáng lalaking ng̃uming̃iti.
—¡Sayang!—ang isinagót ng̃ babaeng tagláy ang túnay na pagpipighatî;—casabiháng hanggang sa icasampong oras ng̃ umaga búcas, ang mg̃a calolowa'y malayang naglilibot at naghihintay ng̃ sa canilá'y pagbibigáy guinhawa ng̃ mg̃a buháy; na ang isáng misa sa mg̃a panahóng itó'y catimbáng ng̃ limá ó anim na misa sa mg̃a ibáng araw ng̃ isáng taón, ayon sa sabi ng̃ cura, caninang umaga.
—¡Mainam!¿Sa macatuwíd ay mayroon tayong isáng caaliw-alíw na taning na dapat nating samantalahin?
—¡Ng̃uni't Doray!—ang isinabad ni Don Filipo;—talastas mo ng̃ hindî naniniwálà si Don Anastasio sa Purgatorio.
—¿Na hindî acó naniniwalà sa Purgatorio?—ang itinutol ng̃ matandáng lalaking tumitindig na sa canyáng upuan.—¡Diyata't pati ng̃ "historia" ng̃ Purgatorio'y aking nalalaman!
—¡Ang historia ng̃ Purgatorio!—ang sinabing puspós ng̃ pagtatacá ng̃ mag-asawa.¡Tingnán ng̃â natin!¡Saysayin ninyó sa amin ang historiang iyán!
—¿Hindî palá ninyó nalalaman ay bakit cayo'y nang̃agpapadalá roon ng̃ mg̃a misa at inyóng sinasabi ang mg̃a pagcacahirap doon?¡Magaling!yamang nagpapasimulâ na ng̃ pag-ulán at tíla mandín tátagal, magcacapanahón tayo upang howag tayong mayamót—ang isinagót ni Tasio, at saca nag-isíp-ísip.
Itiniclóp ni Don Filipo ang librong canyáng tang̃an, at umupô sa canyáng tabi si Doray, na náhahandang huwag maniwálà sa lahát ng̃ sasabihin ni Tasio.Nagpasimulâ itó sa paraang sumusunod:
—Malaon pang totoo bago manaog ang ating Pang̃inoong Jesucristo'y may Purgatorio na, at ito'y na sa calaguitnaan ng̃ lúpà, ayon cay párì Astete, ó sa malapit sa Cluny, ayon sa monjang sinasabi ni párì Girard, datapuwa't hindî ang may cahulugan dito'y ang kinalalagyan.Magaling, ¿sinosino ang mg̃a nasásanag sa apoy na iyóng nag-aalab mulâ ng̃ lalang̃ín ang sanglibutan?Pinapagtitibay ang caunaunahang pagcacatatág ng̃ Purgatorio ng̃ Filisofía Cristiana na nagsasabing walâ raw guinágawang bagong anó man ang Dios mulâ ng̃ magpahing̃aláy siyá.
—Mangyayaring nagcaroong "in potentia"[221]; datapuwa't hindî "in actu"[222], ang itinutol ng̃ teniente mayor.
—¡Magalíng na magalíng!Gayón ma'y sasagutin co cayóng may iláng nacakilala ng̃ Purgatorio na talagang mayroon na "inactu", ang isá sa canilá'y si Zarathustra ò Zoroastro[223], na siyang sumulat ng̃ isáng bahagui ng̃ "Avestra"[224] at nagtatag ng̃ isáng religióng sa mg̃a tang̃ing bagay nacacahawig ng̃ atin at alinsunod sa mg̃a pantas, si Zarathustra'y sumilang na nauna cay Jesucristo ng̃ walóng daang taón ang cauntian. Ang cauntian ang wícà co, sa pagca't pagcatapos na masiyasat ni Platón[225], Xanto de Lidia Plinio[226], Hermipos at Eudoxio,[227] inaacalà niláng nauna si Zarathustra cay Jesucristo ng̃ dalawang libo at limáng daan taón. Sa papaano mang bagay, ang catotohana'y sinasabi na ni Zarathustra ang isáng bagay na nawawang̃is sa Purgatoria, at naghahatol siyá ng̃ mg̃a paraan upang macaligtás doon. Matútubos ng̃ mg̃a buháy ang mg̃a calolowang namatáy sa casalanan, sa pagsasalitâ ng̃ mg̃a nasasaysay sa "Avestra" at gumawâ ng̃ mg̃a cagaling̃an; datapuwa't kinacailang̃ang ang mananalang̃in ay isáng camág-ánac ng̃ nasírà hanggang sa icaapat na salin. Ang panahóng táning sa bágay na itó'y sa taón taón, tumátagal ng̃ limáng áraw. Nang malaon, ng̃ tumibay na sa bayan ang gayóng pananampalataya, napagwárì ng̃ mg̃a sacerdote sa religióng iyóng malakíng dî anó lamang ang pakikinabang̃in sa gayóng pananampalataya, caya't kinalacal nilá yaóng mg̃a "bilangguang ng̃itng̃it ng̃ dilím na pinaghaharìan ng̃ mg̃a pagng̃ang̃alit sa nagawang casalanan", ayon sa sabi ni Zarathustra. Ipinaalam ng̃â niláng sa halagáng isáng "derem", salapíng bahagyâ na ang halagá'y nababawas sa calolowa ang isáng táong pagcacasakit ng̃ dî cawásà; ng̃uni't sa pagca't ayon sa religiong iyó'y may mg̃a casalanang pinarurusahan ng̃ tatlóng daan hanggáng isáng libong taón, gaya ng̃ pagsisinung̃alíng, ng̃ pangdaráyà, at ng̃ hindî pagganáp sa naipang̃acò, at ibá pa, ang nangyari'y tumátanggap ang mg̃a balawîs na sacerdote ng̃ maraming millong "derems." Dito'y mapag-wawari na ninyó ang caunting bagay na nawawang̃is sa Purgatorio natin, bagá man mapagtatantò na ninyóng ang pinagcacaibha'y ang mg̃a religión.
Isáng kidlát na may casunód agád agád na isáng maugong na culóg ang siyáng nagpatindig cay Doray na nagsalitáng nagcucruz:
—¡Jesús, Maria y José!Maiwan co muna cayó; magsusunog acó ng̃ benditang palaspás at ng̃ mg̃a "candilang perdón".
Nagpasimulâ ng̃ pag-uláng tila ibinubuhos.Nagpatúloy ng̃ pananalitâ ang filósofo Tasio, samantalang sinusundan niyá ng̃ ting̃ín ang paglayô ng̃ may asawang babáeng bátà pa.
—Ng̃ayóng walâ na siyá'y lalong mapag-uusapan na natin ng̃ boong caliwanagan ang dahil ng̃ áting salitaan.Cahi't may cauntíng pagcamapamahîin si Doray, siyá'y magalíng na católica, at hindî co íbig na pumacnít sa púsò ng̃ pananampalataya: naíiba ang isáng pananampalatayang dalísay at wagás sa halíng na pananampalataya, túlad sa pagcacaiba ng̃ níng̃as at ng̃ úsoc, wáng̃is sa caibhán ng̃ música sa isáng gusót na caing̃ayan: hindî napagkikilala ang ganitong pagcacaiba ng̃ mg̃a halíng, na túlad sa mg̃a bing̃í.Masasabi náting sa ganáng átin ay magalíng, santo at na sa catuwiran ang pagcacahácà ng̃ Purgatorio; nananatili ang pagmamahalan ng̃ mg̃a patáy at ng̃ mg̃a buháy at siyáng nacapipilit sa lálong calinisan ng̃ pamumuhay.Ang casam-a'y na sa tacsil na paggamit ng̃ Purgatoriong iyán.
Ng̃uni't tingnán natin ng̃ayón cung bakit pumasoc sa catolicismo ang adhicáng itóng walâ sa Biblia at walâ rin sa mg̃a Santong Evangelio.Hindî binábangguit ni Moisés at ni Jesucristo caunti man lamang ang Purgatorio, at hindî ng̃a casucatán ang tang̃ing saysay na canilang sabing na sa mg̃a Macabeo, sa pagca't bucód sa ipinasiyá sa Concilio ng̃ Laodicea, na hindî catotohanan ang librong ito, ay nitó na lamang huling panahón tinanggap ng̃ Santa Iglesia Católica.Walâ ring nacacatulad ng̃ Purgatorio sa religión pagana.Hindî mangyayaring panggaling̃an ng̃ pananampalatayang itó ang casaysayang "Aliæ panduntor inanies" na totoong madalás bangguitín ni Virgilio[228] na siyáng nagbigáy dahil sa dakilang si San Gregorio[229] na magsalitâ ng̃ tungcól sa mg̃a cálolowang nalunod, at idagdág ni Dante[230] ang bagay na itó sa canyáng "Divina Comedia".
Walâ rin namáng nacacawang̃is ng̃ ganitóng caisipán sa mg̃a "brahman"[231], sa mg̃a "budhista"[232] at sa mg̃a egipcio mang nagbigáy sa Roma ng̃ caniláng "Caronte"[233] at ng̃ caniláng "Averno"[234]Hindî co sinasaysay ang mg̃a, religión ng̃ mg̃a bayan ng̃ Ibabâ ng̃ Europa: ang mg̃a religióng itó, palibhasa'y religión ng̃ mg̃a "guerrero"[235], ng̃ mg̃a "bardo"[236] at ng̃ mg̃a máng̃ang̃aso[237], datapuwa't hindî religión ng̃ mg̃a filósofo, bagá man nananatili pa ang caniláng mg̃a pananampalataya at patí ng̃ caniláng mg̃a "rito"[238] na pawang nangálangcap na sa religión cristiana; gayón ma'y hindî nangyaring sumama silá sa hucbó ng̃ mg̃a tampalasang nangloob sa Roma, at hindî rin silá nangyaring lumuclóc sa Capitolio[239]: palibhasa'y mg̃a religión ng̃ mg̃a úlap, pawang nang̃apápawì sa catanghaliang sícat ng̃ araw.—Hindî ng̃â sumasampalataya sa Purgatorio ang mg̃a cristiano ng̃ mg̃a unang siglo: nang̃amámatay siláng tagláy iyáng masayáng pag-asang hindî na malalao't silá'y háharap sa Dios at makikita nilá ang mukhâ nitó.Si San Clemente na taga Alejandría[240], si Orígenes[241] at si San Irineo[242] ang siyáng mg̃a unang mg̃a párì ng̃ Iglesiang tila bumábangguít ng̃ Purgatorio, marahil sa pagcadalá sa canilá ng̃ akit ng̃ religión ni Zarathustra, na namumulaclac at totoong lumalaganap pa ng̃ panahóng iyón sa boong Casilang̃anan, sa pagca't malimit nating nababasa ang mg̃a pagsisi cay Orígenes, dahil sa canyáng malabis na paghílig sa mg̃a bagay sa Casilang̃anan. Guinagamit ni San Irineong pangpatibay sa pananampalataya sa Purgatorio, ang "pagcátira ni Jesucristong tatlóng araw sa cailaliman ng̃ lúpà," tatlóng araw na pagcapasa Purgatorio, at canyáng inaacála, dahil dito, na bawa't cálolowa'y dapat manatili sa Purgatorio hanggáng sa mabuhay na mag-ulî ang catawán, bagá man tila laban mandin sa bagay na itó ang "Hodie mecum eris in Paradiso[243]."Nagsasaysay rin namán si San Agustín, tungcól sa Purgatorio; datapowa't sacali't hindî niyá pinagtibay na tunay na mayroon ng̃â, gayón ma'y ipinalálagay niyang mangyayari ng̃ang magcaróon, sa pag-aacálà niyáng maipagpapatuloy hanggáng sa cabilang búhay ang tinátanggap nating mg̃a caparusahan sa búhay na itó, dahil sa ating mg̃a casalanan.
—¡Nacú namán si San Agustin!—ang sinabi ni Don Filipo;—¡hindî pa siyá magcacásiya sa tinitiis nating mg̃a hirap sa búhay na itó't ibig pa niyá ang magpatuloy hanggáng sa cabiláng-búhay!
—Ganyán ng̃a ang calagayan ng̃ bagay na ito: sumasampalataya ang ibá at ang ibá'y hindî.Bagá ma't sumáng-áyon na si San Gregorio, alinsunod sa canyáng "de quibusdam levibus culpis esse ante judicium purgatorius ignis credendus est," hindî rin nagcaroon ng̃ patuluyang catibayan ang Purgatorio, hanggang sa ng̃ ipasiyá ng̃ Concilio sa Florencia ng̃ taóng 1439, sa macatuwíd ay ng̃ macaraan na ang walóng daang taón, na dápat magcaroon ng̃ isáng apóy na pangdalísay ó panglínis sa mg̃a cálolowang bagá ma't namatáy na sumísinta sa Dios, ng̃uni't hindî pa lubós napagbabayaran ang Justicia ng̃ May Capal.Sa cawacasa'y ang Concilio Tridentino[244], sa ilalim ng̃ pang̃ung̃ulo ni Pio IV ng̃ taóng 1563, sa icalabinglimáng púlong ay ilinagdâ ang cautusán tungcól sa Purgatorio, na ang pasimula'y: "Cum catholica ecclesia Spiritu Sancto edocta etc.," na doo'y sinasabing ang mg̃a patungcól ng̃ mg̃a buháy, ang mg̃a panalang̃in, ang mg̃a paglilimós at iba pang mg̃a gawáng cabanalan ay siyáng mabibísang paraan upang mailigtás sa Purgatorio ang mg̃a cálolowa, bagá man sinasabing ang paghahayin ng̃ misa'y siyang lalong cagalinggaling̃an sa lahat.Gayón ma'y hindî sumasampalataya ang mg̃a protestante[245] sa Purgatorio, at gayon dín ang mg̃a páring griego[246], sa pagca't walâ siláng nakikitang pagbibigay catotohanan ng̃ Biblia[247], at sinasabi niláng binibigyáng wacás ng̃ camatayan ang taning upang macagawâ ng̃ mg̃a carapatán ó ng̃ mg̃a laban sa mg̃a carapatán, at ang "Quodcumque ligaberis in terra" hindî ang cahulugá'y "usque ad purgatorium" etc.; ng̃uni't dito'y maisásagot na sa pagcá't na sa calaguitnàan ng̃ lúpa ang Purgatorio, talagáng dapat mapasailalim ng̃ capangyarihan ni San Pedro. Datapuwa't hindî acó matatapos ng̃ pagsasaysay, cung sasalitain co ang lahát ng̃ mg̃a sabi tungcol sa bagay ni ìtó. Isáng araw na ibiguin pô ninyóng pagmatuwiranan natin ang bagay sa Purgatorio, magsadyâ, cayó sa aking báhay at doo'y babasahin natin ang mg̃a libro at tayo'y maláyà at payapang macapagpapalagayan ng̃ canícanyang catuwiran. Ng̃ayó'y yayao na acó: hindî co mapaghúlò cung bakit itinutulot ng̃ cabanalan ng̃ mg̃a crístiano ang pagnanacaw sa gabíng itó. —Cayóng mg̃a punong báyan ay nang̃agpapabayà sa ganitóng gawâ, at aking ipinang̃ang̃anib ang aking mg̃a libro. Cung sana'y nanacawin nilá sa akin upang caniláng basahin ay aking ipauubayà, datapuwa't marami ang nang̃ag-iibig na tupukin ang aking mg̃a libro, sa hang̃ád na gumanáp sa akin ng̃ isáng pagcacaawang gawâ, at dapat ng̃ang catacutan ang ganitóng pagcacaawang gawang carapatdapat sa califa[248] Omar[249]Dahil sa mg̃a librong itó'y ipinalálagay ng̃ ibáng linagdaan na aco ng̃ parusa ng̃ Dios....
—¿Ng̃uni't inaacalà cong cayó po'y sumasampalataya sa parusa ng̃ Dios?—ang tanóng ni Doray na ng̃umíng̃itî at lumálabas na may dalang lalagyán ng̃ mg̃a bágang pinagsusunugan ng̃ mg̃a tuyóng dahón ng̃ palaspás, na pinagbubuhatan ng̃ nacayáyamot ng̃uni't masaráp na amóy na úsoc.
—¡Hindî co po alám, guinoong babae, cung anó ang gágawin sa akin ng̃ Dios!—ang isinagót ni matandáng Tasio na nag-iísip-ísip.Pagcâ acó'y naghihing̃alô na, iháhandog co sa canyá ang aking cataohang waláng camuntî mang tacot; gawín sa akin ang bawa't ibiguin.Ng̃uni't ma'y naiisip aco ...
—At ¿anó po ang naíisip ninyóng iyán?
—Cung ang mg̃a católico lamang ang tang̃ing mapapacagaling, at limá lamang sa bawa't isáng daang católico ang siyáng mápapacagaling, at sa pagca't ang dami ng̃ mg̃a católico'y icalabingdalawang bahagui ng̃ mg̃a nabubuhay na táo sa lúpà, sacali't paniniwalaan natin ang sinasabi sa mg̃a estadística[250], ¿ang mangyayari'y pagcatapos na mapacasamâ ang yuta-yutang mg̃a táong nabuhay sa daigdig sa boong dî mabilang na mg̃a siglong nagdaan, bago nanaog sa lúpà ang Mananacop, at pagcatapos na mamatay dahil sa atin ang Anác ng̃ isáng Dios, ng̃ayó'y lílima lamang ang mapapacagaling sa bawa't isáng libo't dalawáng daang táo?¡Oh, tunay na tunay na hindî!¡Minámagaling co pa ang magsaysay at sumampalatayang gaya ni Job: "¿Diyata't magpapacabagsíc icáw sa isáng inilílipad na dahon at pag-uusiguin mo ang isáng tuyóng layác?"¡Hindî, hindî mangyayari ang gayóng casaliwaang pálad na calakilakihan!¡Cung sampalatayanan ito'y isáng capusung̃án; hindî, hindî!
—¿Anóng inyóng gágawin?Ang Justicia, ang cadalisayan ng̃ Dios ...
—¡Oh, datapuwa't nakikita ng̃ Justicia at ng̃ Cadalisayan ng̃ Dios ang darating bago guinawâ ang paglikhâ sa Sangsinucob!—ang isinagót ng̃ lalaking matandang nang̃ing̃ilabot na tumindíg.—Ang boong kinapal, ang táo ay isáng linaláng sa isáng nais lamang ng̃ calooban; ng̃uni't hindî niyá kinacailang̃an, cayá't hindî ng̃â marapat na likhaín niyá, hindî, cung cacailang̃aning mapacasamâ sa waláng hanggáng casaliwaang palad ang daándaáng táo upang mapaligaya ang isá lamang, at ang lahát ng̃ itó'y dahil sa mg̃a minanang casalanan ó sa sandalíng pagcacasala, ¡Hindî!Cung iyá'y maguiguing catotohanan, sacalín na ninyo't patayin iyáng inyóng anác na lalaking diya'y tumutulog; cung ang ganyáng pananampalataya'y hindî isáng malaking capusung̃áng lában sa Dios na iyáng dapat na maguíng siyáng Dakilang Cagaling̃an; pagcacágayó'y ang Molok fenicio na ang kinacai'y ang inihahayin sa canyáng mg̃a pinápatay na táo at ang dugóng waláng-malay-sála, at sinususunog sa canyáng tiyán ang mg̃a sanggól na inagaw sa dibdib ng̃ caniláng mg̃a iná, ang mamamatay-táong dios na iyán, ang dios na iyáng calaguimlaguím, cung isusumag sa Canyá'y masasabing isáng dalagang mahinà ang loob, isáng caibigang babae, ang iná ng̃ Sangcataohan!
At puspós ng̃ panghihilacbót, umalís sa báhay na iyón ang ul-ól ó ang filósofo, at tumacbó sa lansang̃an, bagá man umuulan at madilím.
Isáng nacasisilaw na kidlát na caacbáy ng̃ isáng cagutlaguitlang culóg na nagsabog sa impapawid ng̃ pangpatáy na mg̃a lintic ang siyáng tumangláw sa matandáang lalaking nacataás ang mg̃a camáy sa lang̃it, at sumísigaw:
—¡Tumututol icaw!¡Talastas co nang hindî ca mabang̃ís; talastas co nang ang dapat co lamang itawag sa iyo'y SI MABAIT!
Nag-iibayo ang mg̃a kidlát, lalong lumálacas ang unós....